Puti ang brip na may pulidong garter ang kaibigan kong si Julius. Siyempre pang-komedya kapag bacon ang pagsasalarawan ko, palasak na kasing biro iyon sa mga tao, pero pramis, puti at pulidong-pulido talaga ang garter ng brip niya. Alam na alam ko kasi iyan ang araw-araw na imaheng tumatambad sa akin sa umaga kapag naroroon ako sa kanila. Araw-araw kasi siyang nagsusukat ng timbang pagkagising. Mukhang importante ang tagumpay at pagiging eksato ng timbang niya sa kanyang hangarin sa pagpapayat.
Mantakin mo, may body composition scale pa iyan na tipong singkronays sa selpon niya. Susukatin ang timbang, ang body fat percentage, body mass index, tapos pati hydration level ng katawan mo. O diba hanep? Pero hindi lang iyan ang hanep at singkronays sa bahay nila. Alam mo kung bakit smart phone ang tawag sa smart phone mula sa dating selpon lamang? Kasi mayroong siyang Self-Monitoring, Analysis, and Reporting Technology (SMART) na selpon. Siyempre hindi naman nakatulong yang pag-lahad ko ng akronim para maunawaan natin diba? Pero isipin mo yung SMART phone tapos isipin mo naman iyong SMART house. Ganoon ang tahanan ni Julius.
So kunyari dadalhin kita sa SMART house na ito. Papasok tayo tapos kadiliman lahat. Magsasalita siya ng "OK Google, I'm home" tapos biglang sisindi ang ilaw sa pasilyo sa labas, sa sala, sa kusina tapos may tutogtog na kanta sa speaker at iilaw ang LED indicator ng telebisyon na animo binabati ka talaga. Bonnga diba? Kapag inaantok pa siya at para hindi mawala antok sa pagkikilos habang nakahiga sa sofa, kakausapin niya iyong bahay tapos sasabihin na gisingin siya ng ganitong oras. Minsan pinag-tri-tripan ka pa at gugulatin sa sala kasi pwede niya tawagan iyong speaker nasa taas man siya o nasa trabaho mula sa selpon niya. Kahit ako na-eenganyo kausapin iyong bahay e. Pati nga tagalog ng mga salita tinanong ko sa bahay eh. Tingin mo saan galing iyang self monitoring eklat na iyan?
Kung hindi ka maalam sa teknolohiya bale ganito siya gumagana. Iyong chromecast ay isang bolang speaker na may parang kompyuter sa loob ang nag-uutos sa lahat ng bagay. Kaya rin niya maka-tukoy ng boses kaya maaaring iba ang setting pa bawat tao na gagamit. Tapos bibili ka na lang ng kung ano na bluetooth o wifi chip para makakonekta sa wifi ang mga ilaw, saksakan, at kung ano-ano pa. Tapos diskarte mo na kung anong ipapatugtog kapag boses mo iyong nag-sabi ng 'I'm home' o kung anong gimik ang maisip mo. Madalas ako Turn on the kitchen lights and entertainment center lang eh. Basta nakakatuwa kapag aalis na ng bahay at nagmamadali, isang I'm going out lang nakapatay na lahat ng importanteng dapat nakapatay. Ingat-ingat ka nga lang baka ma-pindot mo yung cast on TV sa pinapanood mong xvideos sa selpon mo habang nasa kwarto ka .
Pero hindi naman iyon ang pinaka-nakakabilib sa bahay na akala mo galing sa Silicon Valley eh. Ang pinakanakakabilib sa kaniya ay isa siyang bahay sa isang hilera ng mga apartment na may kalumaan ang arkitektura tapos sa Cubao area pa na hindi naman subdibisyon. Tipong gawa sa kahoy ang ikalawang palapag. Tapos parang set ng isang 90s action film ng isang middle class na bahay sa mga pelikula ni FPJ. May mga tulo pa nga paminsan-minsan pag napapalakas ang ulan dahil na rin sa kalumaan at pagpapak ng mga anay sa kisame eh. Tapos iyong mga kapitbahay pa nila kupal na may mga alagang aso tapos pinapadumi sa harapan nila. Pero ni minsan hindi ako nakaramdam ng pagkalugami sa bahay na ito. Ibang klase ang kakayahan ni Julius at ng kapatid niya para gawing tunay na tahanan ang isang simple at lumang bahay na ito sa Cubao.
Oo nga pala, ni hindi ko pa nga nababanggit ang kapatid ni Julius na si Gladys, na kung tutuusin ay ang dakilang homemaker ng taon. Bago pa magising at makita ang kabakatan ni Julius sa umaga, makikita ko muna si Gladys at ang kanyang pagyoyoga. Araw-araw iyan tapos magluluto ng almusal, lagi pa nga akong naaambunan kung hindi ko pa sisitahin dahil hiyang-hiya na talaga ako sa kanilang magkapatid sa lahat ng kabutihan nila. Habang sinusulat ko ito naaamoy ko iyong porkchop na piniprito niya eh. Kunyari magpapanggap ako na nakakahiya pero lalamon lang naman ako.
Kung susumahin iyong pagiging smart home ideya ni Julius pero malaki rin ang ambag sa direksyon ng paglago ng bahay dahil kay Gladys eh. Paano kasi, pareho silang programmer mag-utol. Pero kahit naman wala ang lahat ng ito, sobrang angat parin ng tahanan nila. Bakit kamo? Isipin mo lahat ng bagay may label dito, walang alanganin. May isang istante na naroroon ang oven, microwave, kettle, electric stove, at rice cooker. Lahat sila naghahati sa limitadong extension. Lahat sila may label para hindi ka mahirapan magsak-sak, protektado pa ng tape iyang mga label na yan. Lahat ng spices, lahat ng gagamitin mo para sa kape nakatupperware tapos siyempre may label uli. May toolbox pa yan tapos aasarin ka na hindi ka marunong gumamit ng wrench habang binbuksan mo iyong electricfan. Bilang lalake siyempre guguho yung ego mo, pero okay lang, si Gladys kasi may K. Hindi ako naniniwala sa gender roles, at ni minsan hindi ko hinangad na balang-araw iyong magiging kasama ko sa buhay magaling sa bahay, magaling mag-luto. Alam mo yun? Iyong tipikal na ideyal na babae noong 90s pababa na trip ng Lola at mga tita mo. Pero hindi na ako magpapanggap at sasabihin na di masarap ng may kasama sa bahay na Gladys. At ang pinakamalupet sa lahat kaming dalawa ng kuya niya na mga ugok ay hindi tatalunin ang sinasahod niya kahit pagsamahin pa namin. Malupet na programmer, malupet na may-bahay, malupet na babae. Abante babae!
Naalala ko lang noong nakatira pa sila sa KNL at tumatambay na rin ako lagi sa kanila. Ang dami na palang nag-bago. Dalawang bigong pag-ibig na ang dumaan sa akin. Pero noon pa man kinakalinga na nila ako. Naisip ko tuloy, oo nga nagbago ang bahay, pero tingin ko wala talaga sa lugar iyon eh. Nasa kanila. Ibig ko sabihin. Dala-dala ng mga Blanco ang pakiramdam ng tahanan sa tuwing kasama ko sila. Siguro gusto ko lang pasalamatan silang dalawa ng tagos sa puso. Kulang na lang bilhan ako ng kama at bigyan ng sariling kwarto ng mga iyan eh. Naku pag-nagkataon hindi ko na alam paano susuklian ang mga ito. Pero tiyak ko may kasama pang electricfan.
https://adiaryofasinner.blogspot.com/2019/08/brip-ni-julius-at-ang-dakilang.html
_____________________________________________________________________________
Day 8/31 #AgostoKoSariliKo Self love is self expressionism
Agosto ko Sarili ko is part of a healing and continuous reinvention process where I am forcing myself, day to day deadlines ala Nas Daily, of any creative work for the entire month of August. Why don't you do it as well or if you want we can collaborate? Hit me up. 😁
CONVERSATION
Subscribe to:
Post Comments
(
Atom
)
0 comments:
Post a Comment