image1 image2 image3

Sup I'M JOHN VLADIMIR|WELCOME TO MY PERSONAL HELL|I LOVE MAKING SINS|AND WRITING ABOUT THEM

Bente Siyete: Repleksyon sa Agosto ko Sarili Ko Project

Gumawa ng kahit anong likhang kreatib at ibahagi sa mundo sa bawat araw ng Agosto. Eto ang naging layunin ko sa buwan na ito at bente siyeteng araw ko rin siyang ginagawa. Sa totoo lang ang hirap akayin ang sarili na sumulat o gumawa ng kahit anong makabuluhan kung walang pasyon at inspirasyong nararamdaman. At alam nating lahat na hindi araw-araw iyon kahit pa para sa isang katulad ko na nilaklak at sinisinghot ang pasyon bilang almusal. Pero alam mo, minsan may mga araw na lumulusot; tipong walang-wala talaga tapos may maisusulat o may maiisip ka pa rin naman. Nagulat ako rito. Napakaganda ng henerasyon natin na kinikilala ang pag-sunod sa haling, sa tibok ng puso, sa udyok ng tapat nating tungkulin sa ating mga sarili. Pero minsan, mapanganib ang isang passion-driven na adhikain lamang.

May mga nagsasabi sa akin na ang sipag ko raw sa mga ganitong bagay. Sagot ko naman, hindi. Magkaiba ang masipag sa adik. Kapag nahuhumaling ako sa ginagawa ko, madalas sa madalas uubusin ko ang lahat ng meron ako magawa lang ito. Minsan kahit ikalimot ko pa ng sarili ko. Naalala ko sumulat ako minsan ng libro sa isang upuan lamang a la Franz Kafka. Inabot yata ako ng tatlumpo't anim na oras hanggang sa pagpapasaayos neto sa printing press. Hindi naman ako nagyayabang. Basura lamang ang naisulat ko. At baka nasa basurahan na rin ng pinaglaanan. Pero wala naman ata talaga ako pake kung walang maidudulot na kabutihan ang obra ko. Sa ngayon. Uso ngayon ang propaganda laban sa art for art's for sake. Marahil hindi ako artist sa sangkalan nila. At hindi ko rin naman nakikita sarili ko bilang isa. Sa ngayon. Pipigilan kaya nila ako na gawin ang maisipan kong gawin? Marahil mahilig lang talaga ako gumawa. Ganito na ako bata pa. Para akong sinasaniban ng kakaibang espiritu at hindi ako patatahimikin hanggat hindi ko nailalabas sa isang aktwal na gawa.

Dahil sa ugali kong ito, madalas sloppy ang mga sulat at gawa ko. Ni hindi ko nga gusto i-proofread minsan dahil nakakatamad. Pakiramdam ko isa siyang paglalakbay mula sa unang salita hanggang sa matapos at kontra sa layunin neto kung papalit-palitan ko sila dahil hindi ko gusto sa pangalawang basa. Hindi ako nakakakuha ng galak na tignan siya ng walang gusot, sa iksi ng nilaan kong oras sa isang gawa ko ako natutuwa at sa pakiramdam na tapos na siya, kumbaga sa wakas nailabas ko rin. Pansin ko sa sarili ko lahat ata hilig kong madaliin. Pagsusulat. Pagkain. Pag-aaral. Pag-ibig. Pakikipagtalik. Pero sabi sa akin ng mga malalapit kong kaibigan, may pagkakataon daw akong gumawa ng isang magandang obra kung sisipagan ko lang talagang plantsahin at paglaanan ng oras ang isang proyektong maisipan.

Sa bente siyeteng araw na pinagpilit ko sa sarili na gumawa ng kahit ano. Napagtanto ko ang isang importanteng aspeto na pakiramdam ko ay napaka-bago sa akin; Disiplina. Ako siguro ang pinaka-impatient na tao sa mundo. OA pero ganoon ang nararamdaman ko minsan. Buong buhay ko kasi may inaantay ako. At dahil na rin doon ay wala akong disiplina. Tingin ko upang mahigitin ko ang pagiging taga-kwento lamang papunta sa hangarin kong maging manunulat kailangan ko netong apoy na nararamdaman ko sa sining at isang sistema na susundin ko at pagtatalagahan; at walang ibang makakatulong sa akin kundi hasain ang aking disiplina. Sa proyektong eto mas naunawaan ko iyon. Napakarami ko talagang hinaharap sa buhay sa buwan na ito pero nagulat ako na sa bawat araw ay nagawa ko pa ring pulutin ang sarili ko kahit igang-iga na ako na gumawa ng kahit ano. Samakatuwid, ako ay naliwanagan. Alam ko na kung paano ko haharapin ang mga susunod na mas malalaking proyekto ko.

Nasasabik na tuloy ako magkaroon ng isang maayos-ayos na time-frame para sa isang obra na gagawin ko balang-araw para makaragdag ng kabutihan sa mundong ibabaw.


_____________________________
Day 27 #AgostoKoSariliKo

Share this:

CONVERSATION

0 comments:

Post a Comment