image1 image2 image3

Sup I'M JOHN VLADIMIR|WELCOME TO MY PERSONAL HELL|I LOVE MAKING SINS|AND WRITING ABOUT THEM

Cognitive Dissonance

Madlang lubog
sa lamig ng karagatan
di' alintana
ang mundong kaitaas-taasan.
Hanggang balat
ay dagling masumpungan
init ng haplos
nang bahagyang maarawan.
Ang iba'y aahong
marahang-marahan
sisisirin paitaas
ang di' matantong ano man.
Hinahabol ang liwanag
hiwagang lubos na nakasisilaw
nangaakit,
bumabati mula sa parang.
Labis ang galak pagsapit
mga bagong silang na minamasdan
malawak na sansinukob
na puro luntian.
Sa ganda ay kay raming
nalulong, nagsipag-sambahan
sa matatayog at
mapaghimalang kabundukan.
Ngunit sa iba
etong nagsisitaasaa'y harang,
nakalilimita, anila;
"Isang panibagong piitan".
Kaya't sa iilang umahon
iilan pa roon ang naghangad,
halikan ang mga ulap
na kasiping ng mga lakan.
Matapang na inakyat
bato't lupa, masukal na halamanan
ang tanging kanlunga'y
pagtingala sa himpilan.


Nang maabot ang rurok,
isang pagsabog ng kaisipan;
ang buong mundo pala'y
isang malaking paraisong natatanawan.
Subali't sa himpapawid
Mapaglarong sinupil ang haraya ng
lupon ng mga ibon
na halos ipangalandakan.
"O kawawang mortal,
lupang kinasadlaka'y
siya ring lupang hahalikan!"
at naglaho sa mababanaag ng natatanawan.
Sa dakong kawalan
kung saan humalo ang mga ibon,
"May dakong kawalan!"
sigaw mo habang nagugulumihanan.
Sa iyong kahibangan
umusad ka sa dulo ng bato
aktong lulukso,
aktong mundo'y iiwan.
Muli mong sinilip
ang madla sa ilalim ng dagat
ang mga umangat sa dalampasiga't
ilang kasamahan sa likuran.
Heto ka sa tuktok
pero nakakulong pa rin sa isang kasaklawan?
Di tulad ng ibong malaya
naglagalag sa pagkawalang-hanggan.
Iyong napagtanto,
hangga't ika'y alipin ng mundong kinabibilangan
sa pagputi ng uwak
mo na mauunawaan.
Laksa laksang kamalayan
ang umagos, dumaloy sa isipang nagtanan
Isa, dalawa, tatlo,
lilipad ka ba o aktong tatalon lang?

______________________________________________________________________________
#AgostoKoSariliKo [Day 1/31] Self love is self expressionism.
Agosto ko Sarili ko is part of a healing and continuous reinvention process where I am forcing myself, day to day deadlines ala Nas Daily, of any creative work for the entire month of August. Why don't you do it as well or if you want we can collaborate? Hit me up. 😁

Share this:

CONVERSATION

0 comments:

Post a Comment