image1 image2 image3

Sup I'M JOHN VLADIMIR|WELCOME TO MY PERSONAL HELL|I LOVE MAKING SINS|AND WRITING ABOUT THEM

Trainspotting

(Base sa tunay na istorya)

"Kuya pwede po pahina ng tugtog may papakinggan lang po ako sa trabaho."

Sabi ko sa taxi driver na sinasakyan ko. Wala naman talaga akong trabahong gagawin. Gusto ko lang pakinggan ang isang partikular na pleylis ng isang tao na ibinahagi sa akin. Wala namang angal si kuya, pero ang lakas kasi talaga ng patugtog niya ng 90s slow rock soundtrip niya.

Habang tinatahak ang EDSA nabatid ko ang inip niya sa pagsikip ng trapiko sa bandang Cubao.

"Wala na talagang pag-asa." pabulong na sinabi ni manong sa hangin.

Ako naman sobrang napukaw ang interes kaya itinigil ko ang pinapakinggan ko at tinanong ko siya. "Manong lumuwag ho ba ang daan noong pinagbawal ang mga probinsyal na mga bus sa EDSA at yung mga skyway na bawal nang daanan ng pampublikong bus?"

"Wala naman. Pareho lang. Walang nag-bago." sagot ni manong.

Sabihin niyo na lahat ng ayaw niyo sa mga taxi drayber, kesyo nangongontrata, mahilig mangulang, o parang kasalanan mo pa na sumakay ka sa kanila minsan, pero kabisado talaga nila ang daan. Partikular akong natutuwa sa mga drayber na hindi kailangan ng Waze tapos sasabihin mo lang kung saang lugar ka, ipapaliwanag mo ng kaunti, tapos maya-maya nasa bahay ka na. Mas alam nila ang pasikot-sikot minsan kaya mas mabilis pa sila sa isang crowdsourced & real-time navigational device. Nagulat ako kay manong. Isa lang ang tanong ko pero sobrang dami na niyang sinabi tungkol sa pangkalahatang transportasyon ng Metro Manila.

"Siguro ang mga pagbabago na mangyayari kapag nabuo na iyong skyway sir na napakahaba talaga at tsaka yung mga dagdag na tren at subway lalo na yung mula fairview" isa ito sa mga tumatak na sinabi niya. Napakarami niyang binanggit na mga lugar na wala akong ideya kung saan tulad ng Osmena, Valenzuela, C3, Quirino, Nagtahan, Boni. Basta eto iyong mga inaanggulo niyang magbabago kapag natapos ang mga proyektong pang-istraktura ng gobyerno sa kamaynilaan.

"Napakarami ho kasing private cars ano?" tanong ko sa kaniya.

Kung tutuusin isang private car ang taxi. Kung tutuusin hindi pa nga ito epektibong uri ng transportasyon. Pero nagulat ako kay manong sa sinabi niyan ang sumunod.

"Totong totoo yan ser. Oo iyong mga bus, jeep, medyo may pagkukulang sa pagbaba at pagkuha ng pasahero kung saan-saan na lang. Pero sobrang dami na talagang kotse sa Maynila sir. Mahigit sampong taon na ako nagmamaneho at mararamdaman mo talaga ang pag-dami."

Nakangiti lang ang damdamin ko habang pinapakinggan siya. Maliban sa isang mas "sex-positive" na mundo at "planned parenthood", isa sa mga pangunahing adbokasiya ko ang transportasyon sa kamaynilaan. Hindi pa lubos na nabubuo ang galak ko ay dinadagdagan na ni manong ang sinasabi niya.

"Kapag hindi pa ho gumana iyong mga pinapatayo nila, doon pa siguro natin makikita na ang problema sa dami pribadong sasakyan talaga. Sa Japan nga, kulang-kulang sampong taon phase-out na talaga ang sasakyan mo. Tapos hindi ka pa pwede magkaroon kung wala ka namang parking na isa pa sa gawain nating pinoy; ang mag-park sa mga daan."

Puro pagtango at paghanga lamang ako sa deklamasyon ni manong. Hindi naman kailangan ng henyo para maunawaan na madalas pa sa pagputi ng uwak na iisa lang ang laman ng pribadong sasakyan. At kung lahat ng tao ay tag-iisa, aba hindi talaga tayo kakasya sa daan. Pero sa isang pampublikong bus, ttren, o ano pa man, ilang tao ba ang nadadala, diba?

Sumakto pa ang makabuluhang usapan namin ng maalam na taxi drayber sa gabing iyon sa itinampok ni Hassan Minhaj sa kanyang palabas sa linggong ito [The Patriot Act with Hassan Minhaj]. Patungkol eto sa problemang pang-transportasyon ng Estados Unidos. Ntatawa ako sa sinabi ng kasama ko sa bahay, "Putangina hindi na rin iba sa problema ng Pilipinas."

Kung susumahin babanggitin ko na lang ang napakaraming importanteng punto ni Hassan sa episode na ito:

Una (1), may mga natatagong pwersa na nagpapagalaw kung bakit gusto ng gobyerno mo manatili ka sa sasakyan o sa panaginip na magkaroon ka ng sasakyan. Hulaan mo kung sino? Malamang! E di' iyong mga nagbebenta ng sasakyan, ng insurans ng mga sasakyan, lahat ng industrayang pwede mo maisip na may kinalaman sa sasakyan. Sa US may mga car at car accessory moguls na iniimpluwensyahan ang polisiya ng iba't ibang estado para huwag pondohan ang public transportation. Nang malaman ko ito. Hindi na ako nagulat na sa build, build, build propaganda ng gobyernong ito ay puro daan ang nakikita ko. Para saan? Para sa mga sasakyan.

Pangalawa (2), sa bawat dolyar na gastusin ng gobyerno para sa pampublikong transportasyon ay katumbas ng apat na dolyar sa economical output. Saan ka nakakita ng piso mo gagawin kong apat na piso? Diba sa mga mapanlinlang na mga pyramid scheme lang? At tiyak ao hindi ganyan kataas pa. Minsan sobrang sarap pasabugin ng buong maynila tapos day-off muna tayo lahat sa mga buhay natin sa mga probinsya tapos ulitin lahat-lahat nang pagkakadisensyo rito. Sorang olats kasi talaga ng urban planning noong build, build, build sa panahon ni Makoy.  Hindi ko maunawaan bakit kung may inisyatiba na ayusin ang transportasyon, at mayroon namang pera, eh hindi ibuhos sa dapat pagbuhusan. Puro daan!

Pangatlo at huli (3), may pag-aaral sa Harvard na nag-kakabit sa mas maiiksing komyut sa pagalis sa kahirapan. Dito ako napa-putangina. Putangina diba? Iisipin mo napaka simpleng kaalaman at lohikal na lohikal, kasi kahit naman mga nasa pribadong sasakyan gusto rin maiksi ang byhahe diba? Pero ano ba ang hindi natin nakikita dito? O di kaya'y sino? Sino ba ang pinakaapektado ng kapangitan ng pampublikong transportasyon? E di' tayong mga walang pambili ng sasakyan diba. Buti ka siguro may pang-grab o kaya pang-taxi tulad ko paminsan-minsan kapag nahuhuli sa trabaho dahil nanonood ng TNC vs Liquid na talo din naman. Pero paano naman iyong mga nasa laylayan na walang-wala talaga?  Pagod na nga silang mag-trabaho sa maliliit nilang sahod, hirap na hirap pang sasakay papunta't pabalik, tapos sasabihin mo sa kanila "Tamad ka kasi kaya ka mahirap." Ungas. Alam mo pag dumali ang komyut aasenso mga buhay nila. At bakit ba mahirap. Tanong mo tatay mo na binilhan kayong magkakapatid ng tag-iisang sasakyan.

Sa mata ng isang mahirap na tao, ang pangarap niya ay magkaroon ng sasakyan. Simbolo kasi eto ng pag-asenso. Hindi na niya makakahalubilo ang kapwa niya mahihirap. Hindi na siya mag-aamoy mandirigma sa tren. Hindi na siya makikipagsiksikan kailanman. Ang hirap maging Pilipino at magpaka-Pilipino minsan. Kasi pangarap nating maungusan ang isa't isa. Ang pinakamasaklap pa rito, karamihan sa mga pangarap na ito, hanggang pangarap na lang. Tapos mapagtatanto mo pa na ang pangarap mong kotse ang siya ring dahilan kung bakit gusto mo ng kotse. 

"Dito na ho ako" pinara ko si manong drayber habang nasa kalagitnaan pa siya ng sinasabi niya. Naramdaman ko iyong kagustuhan niyang makipag-kwentuhan pa sa akin. Ako rin naman gusto ko pa. Sa sobrang galak ko tinanong ko kung maaari ko bang isulat ang mga kwento niya sa akin. Si manong sinabi pa pangalan ng taxi operator niya, sabi ko na lang "hindi ko na ho iyan kailangan at huwag ho kayo kabahan hindi naman kalakihan ang mambabasa ko. Pero tiyak ho ako mababago ang mga puso nila." Pucha hindi mo kailangan ng impormasyon ni Hasan para makita ang tunay na problema sa transportasyon.

Buti pa si manong taxi driver. Kung tutuusin hindi pabor sa hanap-buhay niya ang nais niyang mangyari para sa bayan. Gusto ko gumising sa isang Pilipinas na libangan ang mag-masid ng tren.



_________________________________________________
#AgostoKoSariliKo [Day 23/31] Self love is self expressionism

Agosto ko Sarili ko is part of a healing and continuous reinvention process where I am forcing myself, day to day deadlines ala Nas Daily, of any creative work for the entire month of August. Why don't you do it as well or if you want we can collaborate? Hit me up. 😁

Share this:

CONVERSATION

0 comments:

Post a Comment