image1 image2 image3

Sup I'M JOHN VLADIMIR|WELCOME TO MY PERSONAL HELL|I LOVE MAKING SINS|AND WRITING ABOUT THEM

Ngunit Wala Akong Litrato Noong Nasa Kolehiyo Ako ni Prof. Reuel Aguila

Katangi-tangi ang pyesang ito dahil una ko itong mabasa ay mula sa bibig niya mismo. Nilalathala pa ni sir iyong gawain nila noon na mahilig mag-sayaw sa mga bahay-bahay nila, tapos bigla niyang ipapasok iyong manyak niyang propesor. Ang pyesang ito ay ibinabahagi ko bilang hinagpis ko laban sa Martial Law, sa berdugong patnugot nito, at sa walang hiyang anak na itinuturing pang "golden age" ito ng Pilipinas. #neveragain




















Wala lang.
Todo-unat, basta iniangat ng isang estudyante ang kanyang kamay, litaw-braces na ngumiti, at pinindot ang tangang cell phone na nagsisilbi ring camera. Wala pang isang kurap, nakisiksik na ang ilan pang kaklase, dikit-dikit ang mukha, nakabungisngis din at may impit pang tili.
 At naglitratuhan sila nang naglitratuhan: funny face, wacky pose, seductive, emo, serious, pa-cute … paulit-ulit; palibhasa’y digital, walang film, halos di maubos ang kodakan at tawanan … walang pakialam kung pinapanood sila ng ibang tao; sa tambayan sa school, sa mall, sa kalye, sa gimikan, sa outing;  at kahit saan man, kahit walang okasyon.
 Basta, wala lang.
 Ipo-post ang mga litrato sa blog site, nag-aanyaya na silipin ng buong sandaigdigan, sa pamamagitan ng world wide web, ang mga digital na tala ng kanilang kabataan, na kung tutusuin ay “walang lang”; ngunit nanggaganyak na mag-iwan ang sinuman ng kahit anong comment na kadalasan ay: ahahahaha, o ahihihihihi, o LOL, OMG, ü, : ) , : (, at iba pang J smiley.
Tuwi-tuwina o maging ilang taon makatapos, marahil, iki-click nila upang balikan ang kanilang buhay-kolehiyo; maaaring matatawa pa rin sila o mangingiti o basta wala lang ding muli sa sangkatutak na litratong nagdokumento ng kanilang murang kaisipan.

Napakaraming litrato.

Ngunit wala akong litrato noong nasa kolehiyo ako… dekada 70. Panahon iyong laganap na laganap ang pangmasang camera, ang Kodak Instamatic.

Ito ‘yong parang maliit na kahon na sa isang pindot ay bubukas ang likod ng camera para maisalpak ang naka-case na film. Hindi mo na kailangang pahirapan ang sarili sa pag-spool ng film; na pag nagkamali ka sa halos bulag na pag-sprocket ng negative ay wala kang makukuhang litrato.

Ito ‘yong camerang hindi mo na kailangang i-focus, i-adjust / bigyan ng kumbinasyon ang timpla ng aperture at speed; tandaang mas maliit ang numero ng F-stop ay nangangahulugang mas malaki ang opening ng lens, samantalang kabaliktaran ang para sa speed o bilis ng pagbukas-sara ng shutter. Sa Kodak Instamatic, basta, tutok at shoot.

Ito ‘yong hindi mo na kailangang sukatin ang distansya ng kukunan at kalkulahin ang lakas ng dating ng flash; na hindi nalilimutang ang speed ng shutter ay constant na nakalagay sa pinaka-synch ng film. May flashcube ito na may apat na bumbilya; na kusang umiikot pagkatapos mag-flash.

Mura: ang camera, ang film, ang development. Nagkaroon ng pagkakataon ang sinuman na makapag-may-ari nito. Kaya, naidukumento ng karaniwang mamamayan ang mga pangayayari, maliit man o malaki, na sa pananaw niya’y mahahalaga para sa kanya.

Di tulad noong ang camera ay pangmayaman lamang; panahon ng Single Lens Reflex, ng box camera na mabigat , na kung minsan ay kakailanganin ng tripod para di mangawit ang leeg na pinagsasabitan ng camera; at ng pag-iilaw o ng lumang de-apog na flash. Kailangang pag-ipunan, magbihis at pumunta sa studio ang mga nais magkaroon ng litrato. Kung hindi man ay arkilahin ang serbisyo ng mga nagbabahay-bahay na potograpo, o ‘yong umiistambay sa mga simbahan at sa Luneta. At pagkatapos ay ikuk’wadro, at isasabit sa salas, o ilalagay sa album.

Di tulad noong kakaunti pa ang camera at di pa ganoong napeperpekto ang mekanismo, ang mga labis na mayayaman lamang ang nagkakaroon ng kanilang ipinintang portrait at painting ng mga tanawin.

Sa pagdating ng murang instant camera, ang buong paglalakbay sa buhay ng karaniwang Pinoy ay kaya niyang itala sa mga litrato, sa pinakamadali at pinakamurang paraan. Naging palasak ang karanasan ng paglilitrato. Naging palasak ang gamit ng Kodak instamatic. Naging palasak ang bagong salitang Kodakan.

Ngunit wala akong litrato noong nasa kolehiyo ako, sa panahon ng Kodakan.

Ngayon-ngayon ko lang nalaman ‘yan, halos 40 taon na ang nakalilipas.

Sa hindi ko maintindihang dahilan, biglaan, parang isang kating dapat kong kamutin, dahil bakasyon, parang kailangan kong linisin ang aking files: mga kinagawiang notebook na dala-dala kung saan man; mga pinasulat ng kung sinong titser; mga clipping, reading at mga test paper; draft ng kung anong tula, sanaysay, dula, maikling kuwento; mga souvenir gaya ng ticket ng bus at kung anong sine o dula, tuyong bulaklak, ribbon, balat ng candy; mga sulat; mga litrato.

‘Ayun akong ipinaghehele ng aking ama. ‘Ayun akong tatlong taon at naliligo nang hubad. ‘Ayun ako sa unang bisekleta. ‘Ayun ako sa grade one sa isang munting bayan sa Quezon, bihis na bihis at may kapareha para sa isang folk dance. ‘Ayun ako sa nilipatang bahay sa Sampaloc, sa Cubao, sa camping ng mga boy scout, sa birthday ng aking mga kapatid, sa Baguio kasama ang pamilya, sa excursion sa Balara, sa kung anong lugar na hindi ko na halos maalaala, kasama ng kung sinong marahan na ring naglalaho sa aking gunita.

‘Ayun ako sa graduation sa elementarya.

‘Ayin ako sa graduation sa high school.

At ‘ayun ako sa aking kasal.

Biglang lumundag ang panahon. Walang litrato noong nag-aaral pa ako sa kolehiyo.

Maliban sa nag-iisang ID sa kolehiyo, kupas at gurlis-gurlis na, wala na akong iba pang litrato sa pinakamakulay pa namang panahon sa aking buhay.

WALA AKONG LITRATO SA PANAHONG IYON NG LIGALIG at pagmamadali; walang litrato ngunit malinaw sa aking alaala.

Freshman ako nang salubungin, isang maagang umaga, ng mga basa pang pulang pintura sa bawat pisara ng aming kolehiyo.

Mabuhay ang Rebolusyon. Digmaang Bayan. Marcos, Hitler, Diktador, Tuta.
Walang masulatan ng aming guro dahil sa naglalakihang slogan. Pagkadismaya ang aking naramdaman, ng aming naramdaman. Sobra na
ang mga aktibistang ito. Hindi porke’t araw ng eleks’yon ng council ngayon ay hihirit pa sila ng kanilang mga slogan upang tiyaking maaalaala sila at iboboto naming mga freshman.

Unang pagkakataong pinayagang makaboto ang mga freshman. At ang nagsusumigaw na slogan ang binyag sa amin.

Hindi namin ibinoto ang mga aktibista. Hanga pa naman ako sa kanila, sa kanilang tapang at talas ng isipan. Ngunit kung ang mga nanlalagkit pang mga slogan sa pisara ang magiging batayan ng darating na lipunan, ayaw ko na sa kanila.

Natalo ang mga aktibista sa eleksyong iyon.

Huli na nang mapag-alaman ko, namin, bilang freshman, na kagagawan iyon ng kalaban.

Ang binyag na iyon ang siyang magsasabi sa aking higit na maging mapanuri. Hindi lahat ng pula ay pula, manapa, ang mga pulang letra sa pisara ay itim; isang black propaganda.
Ang binyag ay naging kumpil. Ikalawang semestre nang maging
guro ko ang matandang iyon. Malinaw sa aking alaala ang kanyang larawan:
may band-aid ang gawi ng nguso niya nang unang humarap siya sa klase, nagurlisan di umano sa paggamit ng labaha; namumuting buhok, basag na boses, plantsadong pananamit, mayabang na pamumustura.

“Lahat ng babae, sa harapan umupo.” Iyon ang unang utos ng gurong iyon. At panahon iyon ng mini-skirt. At kaming kalalakihan ay sa likod pinaupo.

May gana pang nagsabi ang matandang guro na benepisyo niya ang ganoong larawan ng mga dalagitang nakamaikling palda. Humalakhak pa at tumalsik ang nanlalagkit na laway.

Ang ikalawang utos niya ay nangunyapit sa aming kaisipan: “Walang aabsent kapag may rally. Singko, bagsak, ang sinumang aabsent.”

Galit siya sa mga aktibista. Galit siya sa ipinaglalaban ng mga ito. Galit siya sa sinumang galit sa pamahalaan, sa kapitalismo, sa panginoong may-lupa, sa pasismo. Galit siya sa pagkakapantay-pantay ng mga tao.

Para sa kanya, ang pagiging guro niya ay pagiging hari. At ang utos niya ay hindi maaaring mabali.

Kaya nga’t isang araw ay matiyaga kaming naghintay sa kanyang pagdating. May rally noon at ayaw naming ma-singko. Lampas na ang dalawampung minutong palugit, maaari na kaming umalis. Ngunit hindi pa rin kami umalis. Ayaw naming ma-singko.

Mag-iisang oras na nang may nagkalakas ng loob sa amin na magyayang kung tatakas kaming lahat, wala nang magagawa ang gurong ito.

Ang sarap ng pakiramdamn ng pagtakas; sama-sama, parang hindi ako natakot sa singko. Naisip kong hindi kayang i-singko ang buong klase. Walang magagawa ang guro.

Wala na ring tao sa gusali namin. Parang nagbakasyon ang lahat ng tao. Kami lang ang naglalakad sa dating maingay na lobby ng gusali.

Sa labas ng gusali, wala pa ring tao. Wala ring sasakyan. Isang larawan iyon ng hating-gabing walang tao; ngunit maliwanag dahil magtatanghali pa lamang.

Nagpasya kaming maglakad patungo sa bukana ng aming unibersidad. May ingay sa gawi roon habang papalapit kami. May ilang tao rin kaming nakikita habang papalapit kami.
At paparami nang paparami ang aming nakikitang mga tao. Palakas nang palakas ang aming naririnig. Larawan ng isang barikada.

Binarahan ng mga aktibista, isang human barricade, ang University Avenue. Nagpasya kaming manood muna. Hindi rin naman kami makakalampas agad sa barikadang iyon. Pumuwesto kami sa parang tulay sa ikalawang palapag ng Adminstration Building. Tanaw na tanaw namin ang pagbabarikada.

‘Ayun, isang kotse ang nagtangkang makapasok. Binarahan ng mga aktibista. Nag-u-turn ang kotse. ‘Ayun, isa namang jeep, isang bus, isang kotse, jeep, bus, kotse. Isa-isa, nag-aatrasan, nagb’weltahan; walang makapasok ng unibersidad. Nagpalakpakan kami.

‘Ayun, isang kotseng itim, lumang modelo, parang tangke. Tumigil. Bumaba ang nagmamaneho. Kamukha ng aming gurong matanda na mahilig sa babaeng nakamini-skirt. Nagtawanan kaming magkakaklase.

Napaatras din ang kotseng iyon.

Ngunit ilang minuto lang ay nagbalik ang lumang kotseng itim na may nagmamanehong kamukha ng guro naming may band-aid sa nguso.
Ngunit ngayon, ang nagmamaneho ay nakahelmet na. May dalang baril. Walang kaabog-bog, itinutok ang mahabang baril sa mga nagbabarikada. Lumakas ang pagsigaw ng mga slogan.

Ngunit mas malakas ang putok ng baril.
Larawan iyong sunod-sunod. Parang slow motion sa pelikula: ang pagbuga ng usok mula sa baril; ang parang kinoryograpong pagpulas ng mga aktibista; ang pagkatangi sa isang bumulagta, parang close-up sa aking isipan; ang pagtakas ng bumaril sakay sa  mobile ng mga pulis; ang pagkaiwan sa lumang kotse; ang pagsugod ng ambulansya; ang pagsunog sa kotse; ang pagdagsa ng mga aktibista sa  Administration Building; ang pagbatok sa presidente ng aming unibersidad; ang pagbubo ng pinturang pula sa Oblation, simbolo ng pagdanak ng dugo.

Sa kinalaunan ay napag-alaman naming ang guro nga namin ang namaril. Malinaw ang mga larawang iyong hindi naitala ng camera.

SUNOD-SUNOD ANG MGA LARAWAN SA AKING ISIPAN. Initsa sa bawat palapag ng Arts and Sciences Building ang mga silya upang maitayo ang Diliman Commune.

Napakaraming larawan: ang mga kwitis na tumutugis sa nagsu-suveilance na helicopter; ang mga kaklase at kaeskwelang ginawang dormitoryo na ang mga silid-aralan; ang gabing paglusob ng mga pulis sa dormitoryo ng mga babae; ang mga teach-in; ang DZUP na pinanghawakan ng mga aktibista at  naging pinakasikat na estasyong pangradyo sa mga panahong iyon; ang mga pillbox at molotov na ginagawa sa Chemistry Pavilion; ang mga pag-awit ng mga rebolusyonaryong himig; marami pa, marami pa.
Ngunit hindi pa ako nakikisangkot noon. Isa lamang akong sabit sa estribo, isang kamanlalakbay, wika nga.
 Sabay-sabay ang paglusob ng mga pulis at militar sa harapan at likuran ng UP. Parang isang album ang mga larawan sa aking isipan ng sunod-sunod na putok ng baril; ang mga pangungulata; ang desperadong pag-itsa ng mga pillbox at molotov; ang pagkasukol ng mga aktibista; ang pagkabuwag ng barikada.
NANG MAGSARA ANG ALBUM NG BARIKADA, nagbukas ang marami pa. Nasa library ako noon sa first pavilion nang isang aktibista ang nagsabing sinuspinde na ang Writ of Habeas Corpus. Hindi ko batid ang kabuuan ng implikasyon ng suspensyong ito ngunit sapat na ang balita para lumabas ako ng library at tumungo sa nag-uumpukan nang estudyante sa lobby.

Nandoon ang halos buong eskwelahan, nagtatanong: paano na? Isang martsa patungong Maryknoll ang naging sagot. Nakimartsa na rin ako.
Kalabisan na ito, wika ko sa sarili ko. Binomba na ang Plaza Miranda, tapos ngayon ay sinuspinde pa ang Writ?
Sa unang pagkakataon ay nagtaas na rin ako ng aking kamao. Ngunit walang litrato nito.

At ‘ayun na akong kasali na sa iba pang martsa, bilang pagtutol sa karahasang ito ng estado. Parang sawang malaki at mabalasik ang mga martsa; patungong Plaza Miranda, Embassy, Mendiola.

Sunod-sunod na rin ang mga pangayayari. Naging organisado na ako; isa nang ganap na aktibista.

Sana’y may mga larawan ng pagpapahaba ko ng buhok, ang sandalyas, ang army jacket na may maraming bulsa upang paglamnan ng mga manifesto at pillbox.

Sana’y may larawan ang mabilisang pagpipinta o pagdidikit sa pader ng mga larawan at slogan ng panahong iyon, ang pagsusunog ng mga effigy, ang dagsa ng laksa ng mga estudyante, ang galit sa aming mga mukha. May nakita naman akong mga larawan, sa dyaryo, ngunit wala ako kahit pa dinaluhan ko ang lahat ng ito.

‘Ayun ako, malinaw sa aking gunita, sa harap ng riot police; mukha sa mukha. ‘Ayun ako, umiilag sa hataw ng truncheon. ‘Ayun ang pagtutok, pagpaputok ng mga baril ng pulis. ‘Ayun ang aming pagpulas. ‘Ayun ang ganti ng pillbox. ‘Ayun akong nasubsob. Ngunit walang litrato.

Walang litrato ang mga magdamagan at sunod-sunod na pulong, ang mga paglubog sa batayang masa, ang mga pag-oorganisa, ang piket line at welga, ang puyatan sa paglikha ng mga manifesto at iba pang propaganda, ang mga punahan, ang walang katapusang pagsusuri at pag-aaral. Walang litrato, ngunit nangyari ang lahat ng ito.

TAPOS, BIGLANG-BIGLA, MARTIAL LAW.

Kaalinsabay ng pagtindi ng represyon sa mga mamamayan ay ang pagtindi rin ng aking pakikisangkot.
Inorganisa namin ang mga silent march, na sa kinalaunan ay nailabas namin mula UP tungko sa mga lansangan. Paingay nang paingay, parami nang parami.  Walang tigil ang mga lihim na pagpupulong, lihim na pagpaplano, lihim na pagkilos, lihim na pagtulong sa kapwa.

Lahat ay palihim sa mga panahong iyon dahil ganoong kabagsik ang Batas Militar.

Biglang-bigla ay ang mga larawan ng tortyur at salvaging. Mga kaibiga’t kasama ko silang kinoryente sa bayag, pinahiga sa bloke ng yelo, nilagyan ng hose sa ilong, binugbog, plinantsa ang talampakan, nilaslas ang suso, nilamog sa bugbog, ni-rape, pinaslang.

Ngunit lahat ‘yan ay walang litrato. Lihim din kung bumanat ang kaaway. Ngunit buhay na larawan ang mga kaibigang nakaligtas.

Ang mga sugat at pasa ay naghihilom ngunit ang mga sugat sa alaala ay kailanman nananatiling sariwa.

‘Ayun akong piniringan, pinosasan at isinakay sa isang lumang kotse, dinala sa safehouse. ‘Ayun ang kanilang kamao sa dibdib ko; ang kanilang palad sa mukha ko; ang kanilang paa sa alulod ko. ‘Ayun akong bumulagta kasama ng silyang kinaposasan ko. Dinig ko ang daing sa kabilang k’warto, kasamahan ko ring pinapahirapan. Pati tenga ko’y naging camera ng lihim na eksenang iyon. Nang pakawalan ako sa safehouse na iyon, nagtungo ako sa kampo militar upang gaya ng sinabi nila ay kailangang mag-report. Walang record ang pagkakahuli ko, ‘yon ang giit ng militar. Para sa kanila, hindi ako nahuli, hindi ako pinahirapan, hindi nila ako kilala.

Ay, kung may litrato lamang na magsisilbing ebidensya ng kahayupan nilang ginawa sa amin. Ni hindi namin alam kung makakalabas pa kaming buhay sa safehouse na iyon.

Ay, kung maipoproseso lamang ang larawang nakaimprenta sa aming isipan, ipapaskil ko rin ang lahat ng larawan kahit saan man para gumitaw ang katotohanan.

HINDI NASASAGKAAN ang paglilingkod sa bayan. Lalong tumindi ang aking pakikisangkot makatapos ng tortyur na iyon.

‘Ayun ako sa mga komunidad na nag-oorganisa, sa mga manggagawa na nagtuturo, sa mga sonang gerilya upang mag-exposure.

Kakaiba ang ngiti ng isang kasama. Sa gitna ng pagod at pagtugis, ang ngiti niya’y singdalisay ng umagang nagbubukang-liwayway, laging may tinatanaw na pag-asa ng pananagumpay.Kakaiba ang ngiti ng organisadong masa. Sa gitna ng gutom at karalitaan, ang ngiti niya’y sing-init ng rubdob ng paglaya. Kakaiba ang simpleng hapunang pinagsamahan, ang mga balita ng paglawak, ang tagumpay sa larangan ng pagkilos.

Lahat ng mga ito ay nakalarawan pa sa aking isipan, at puso. Ngunit walang litrato.

Nasa kolehiyo ako noon nang kunan ko ang lahat ng mga larawang ito sa pamamagitan ng aking alaala.

Ngunit ang panahon at gawain namin ang nagtakda na dapat ay wala kaming iiwang bakas sa aming pinagdaanan. Pagkapahamak o kamatayan ang mag-iwan ng bakas; litrato pa kaya.

Kayat iba-iba ang aming mga pangalan. Iba-iba ang aming gayak. Iba-iba ang aming ruta. Iba-iba ang aming personalidad.

Para kaming mga hangin, laging naririyan; hindi nakikita ngunit nadarama.

Napakaraming gawain ngunit walang litratong magsisilbing panungkit sa mga alaala.
Tanging ang alaala mismo ang siyang maninindigan sa kanyang sarili, bilang mga litratong hindi kinunan, at hindi rin kukupas kailan man.

Wala akong litrato noong nasa kolehiyo ako.

Ngunit higit na mayaman ang mga larawan sa isipan; at patuloy pa rin ako sa pagkuha ng mga ganitong litrato.

Share this:

CONVERSATION

1 comments:

  1. Napakalinaw ang pagsasanaysay ni Prof. Reuel Aguila ng mga pangyayari sa kanyang buhay nung nasa kolehiyo siya sa UP Diliman. Daig pa ang high-resolution camera ang pagdetalye niya ng mga nangyari bago magkaroon ng Martial Law sa Pilipinas. Isa itong obra maestra na dapat mabasa ng lahat, di lang kaming matatanda, kundi lalo na ng mga kabataan ngayon.

    Maraming salamat sa ibinahagi mong kasaysayan ng ating mahal na bansa.

    ReplyDelete