image1 image2 image3

Sup I'M JOHN VLADIMIR|WELCOME TO MY PERSONAL HELL|I LOVE MAKING SINS|AND WRITING ABOUT THEM

Ang Huling Liham ko Para Sa'yo sa Magpapaalam na Dekada

Ikaw,
Heto na ang huling liham na ibibigay ko sa iyo sa dekadang ito.

Hindi ko ito maipapadala gaya ng mga liham na ipinadala ko noon. Hindi rin kita mapapangalanan parang kung paanong mas madalas natin tawagin ang isa't isa sa hindi natin tunay na ngalan sa buong limang taon nating pagsasama. Ikaw si Regina, ako naman sa aking sagisag-panulat. Ni hindi na rin ito mabibigyan ng sagot mula sa'yo kasi hindi mo na ako kinakausap, kaya hindi na rin ako magtatanong. Marahil liham ko ito sa uniberso. Isang pangako, isang bulong, o di kaya'y isang sigaw. Sigaw na ito na ang huling pagkakataong luluha muli ako dahil sa'yo, sa dekadang ito.

Sinalubong ko ang taong ito sa ospital habang binabantayan si Papa na nagkasakit ilang araw lang matapos ka huling nakayapak dito sa Pilipinas hawak ang aking mga kamay. Masaya tayo. Sigurado ako. Tapos alam natin mas papalapit na nang papalapit na matupad ang mga plano natin. Pero napakaraming pangyayari kahit wala naman talagang nangyari. Napakarami ring bagay na umahon lamang mula sa hukay na tayo lang din naman ang naglibing. Karamihan sa buhay ko ang dalahin. Pasensya ka na, napakarami ko kasing bagahe sa buhay. Kaya naman hindi malayong isipin na pakiramdam ko matagal ka ng wala sa mga plano natin, na matagal ka ng wala kung nasaan man ang kinalalagyan ko, na matagal ka ng hindi papunta kung saan inakala kong papunta tayo. Kasi alam ko nahirapan ka talaga sa atin at hindi mo na kinaya. Alam ko kaya kitang pasayahin hanggang huli pero huwag ka mag-alala naiintindihan ko kahit walang eksplanasyon mula sa iyo kung bakit mo tayo sinukuan.

Dahil kinailangan kong malaman ang talagang nararamdaman mo na hindi agam-agam ko lamang, kahit pa nasanay na akong hindi mo hinaharap ang mga problema natin, at masarap sana sumakay sa pagkapetiks mo hanggang sa mas madali na lang ang lahat dahil magkasama na tayo; Regina, nagawa ko pa ring makipaghiwalay sa'yo kasi yon' ang nararapat. Para pagisipan mo na talaga. Para hindi mo isantabi habang inaantay mong makarating ako diyan. Teka mali. Para hindi mo isantabi habang inaantay kong dalhin mo ako diyan. Para sa katotohanan na magpapalaya sa ating dalawa.

Aminado ako, nagulat talaga ako. Hindi ko naman alam na ang magiging sagot mo ay sa paraang makikita ko na mayroon ka na palang iba. Hindi ko na hihilingin na sana mas naging tapat, agaran at siguro mas maalalahanin ka sa nararamdaman ko nang nilahad mo ang iyong nararamdaman. Alam kong hindi naman mababago ng kahapon ang direksyon ng bukas. At kung tutuusin, iyon rin naman ang sagot. Sagot na kahit kinatatakot ko mang patotohanan mo sa loob ng mahabang-mahabang panahon, ay hinihintay ko rin naman talaga upang umusad. Iisa lang naman ang ibig sabihin ng lahat. Lumipas na ang pag-ibig mo para sa akin, matagal ko nang alam, hindi na rin pala talaga ako nagulat.

Masakit isipin na sa buong dekadang ito na umukit ng kalakhan ng buong pagkatao ko, ang huling salita mo sa akin na kahit isa itong mabuting hiling para sa kapakanan ko, ay isa ring hiling na nag-iwan sa akin ng wala na yatang makapapantay na sakit sa lahat ng mga sakit na naramdaman ko,

"Sana matupad mo ang mga pangarap mo."

Paano ko aabutin ang pangarap ko, kung alam mong ikaw ang pangarap ko?

Gustuhin ko man na hilingin din na maabot mo ang mga iyo, hindi ko na alam kung ano na nga ba. Kasi ang huling pagkakaalam ko sinabi mo rin sa akin na ako ang pangarap mo.

Wala akong intensyon na pagmukhain kang masama. Pare-pareho lang naman tayong may mabibigat na pagkukulang sa pangkalahatan. Pero gusto kong malaman nilang lahat na ang laki ng tulong mo sa buhay ko at lubos akong nagpapasalamat sa'yo. Sa pagkakaibigan. Sa pagtaguyod sa mga panahong nasa ilalim ako. Sa mga ala-ala. Sa inspirasyon. Sa pagpapasaya sa akin. Sa pagmamahal. Sa mga pangarap na natupad. At sa mga pangarap na naudlot, na pawang dagdag pagkatuto lamang ang iiwan sa atin. Naiwan man ako, maraming salamat pa din sa lahat!

Marahil sinulat ko talaga ito upang maharap ko ang bukas, ang sunod na taon, ang sunod na dekada nang may layong mabuhay nang may ngiti at may pagtanaw sa bukas para sa aking mga bagong pangarap. Kaya kailangan ko munang mamaalam sa huling pagkakataon sa babaeng minsa'y naging pangarap ko na makasama hanggang sa dulo.

Paalam sa'yo, mahal ko.















Hanggang sa muli,
Ako

Share this:

CONVERSATION

0 comments:

Post a Comment