"Di ka kasi marunong mag-hugas ng plato" asar ni James.
"Ha?" hindi maipinta ang nadiskaril na mukha ni Vanya sa linya ng usapan nila ni James.
"Kako, kaya ka hindi gusto nung mokong kasi bano ka mag-hugas ng plato." paglilinaw ng lalake.
"E' ano naman kinalaman nun' dito? At nakakadiri kasi mag-hugas ng plato. Sobrang ayaw na ayaw ko talaga na gawaing bahay yan'. Ang dumi-dumi tas' naiisip ko iyong laway ng lahat ng taong kumain.. tapos iyong mga butil ng kanin na hindi mo alam kung nanggaling sa bibig nila tas lumabas lang sa ilong? Ewwwww, kader-der" bakas sa mukha ni Vanya ang labis na pandidiri.
"Alam mo ikaw ang lawak din kasi ng imahinasyon mo noh'? Kaya ka siguro patay na patay doon sa batugang manunulat na yon'. Akalain mo nung andoon tayo sa kaniya, may maid siya kahit bachelor's pad tapos tapon dito, tapon doon. Anak ng kepay nakatambak lang ang mga hugasin sa lababo. Hayop! Wala naman alam gawin yun' kundi mag-palaki ng itlog tapos magsulat-sulat ng mga kunyari astig at edgy na mga bagay sa mundo." pakutya ni James.
"Kaya ko nga siya gusto eh." maharot at kinikilig na sagot ni Vanya.
"Kasi malaki bayag niya? Tanginang fetish yan Vanya ha, hindi pinapasok yun uy!" hindi na magkamayaw ang pagtawa ni James sa patuloy netong pang-aasar kay Vanya.
"Uu gago! Kapag kami talaga.. sagad yan' gang bayag." nakitawa na rin si Vanya.
Napatigil sa pag-tawa ang binata. Hindi dahil sa nalalaswaan siya sa usapan o kaya sa lantarang pagpapakita ni Vanya ng sekswalidad niya sa kaniya. May kirot kasi sa puso niya sa ideyang nagsisiping si Vanya at Vladimir, isa sa mga screenplay writer sa opisina nila James. Matagal na kasing may gusto si James kay Vanya pero lagi na lang itong pinanghihinaan ng loob. Parang sa trabaho, sabay lang naman sila pumasok ni Vladimir sa White Caterpillar Films bilang mga production assistants, isang maliit na independent movie production company. Iyon nga lang, si Vladimir, may lakas ng loob magsumite ng akda niya kaya nabigyan ng break. Si James puro ideya lang, walang sulat. Tapos sa Gala Night ng pelikula na sinulat ni Vladimir, naisama ni James si Vanya at doon niya nakilala ang crush ng dalaga.
"Pati ata dito mauunahan ako ah." pabulong ni James sa sarili.
"O bat natahimik ka.. pero alam mo, seryoso James, ang mysterious kasi ni Vladimir eh'. May kakaiba siyang hatak sa akin. Kahit minsan pa-cool nga siya at medyo hindi makatotohanan. At least may personalidad diba?" pagpatuloy ni Vanya.
"Di' ko gets! Bakit ba kailangang i-mystify lahat ng bagay? Sabi nga ni Fiona diba? Gusto ko iyong malinaw. Iyong diretso. Iyong walang bullshit. Pakiramdam ko magulo ang mundo ko kapag puro mystery na lang. Pag gusto aminin. Pag na-reject e di' move on.." halos mabulunan sa sinasabi si James sa malaking kabalintunaan na maging siya rin naman ay hindi maamin kay Vanya ang nararamdaman.
"So ibig mo sabihin ang mga open book boring at hindi ka na kayang i-surpresa? Ang problema sa mysterious once you've figured all the mystery, saan ka na lulugar ha Vanya?" seryosong tanong ni James.
Napatigil ang dalawa. Nakaupo sila sa mesa ng apartment ni James habang nagkakape. Dahan-dahang humigop sa tasa si Vanya. Ngumiti na nasa aktong tatawa. Paunti-unting may sumisirit na kape sa gilid ng tasa at tumitilamsik sa bibig. Tapos maya-maya binulwak na niya nag kape at tuluyan ng tumawa ng tumawa at natapon lahat. Tumawa na rin si James sa hindi niya malamang dahilan. Nagtawanan na lamang sila ng halos tatlong minuto.
"Tangina James crush ko lang naman e. Relaks ka lang!" asar ni Vanya.
"Tangina mo rin. Kelan ba naging epektib yang relaks ka lang para mag-pacify ng tao ha?" pabirong tanong ni James.
"Oo nga! Pasensya na. Nakasanayan na sa salita. Pero ako man iritang-irita pag sinasabihan niyan eh. Ikaw ba James paano ka ba narerelaks?" tanong ni Vanya.
"Kapag naghuhugas ng pinandidirian mong mga pinagkainan." wika ni James
"Sobrang nakaka-relaks kasi talaga sa akin iyon eh. Sa umpisa babasain mo muna ng bahagya at parang diagnostic test na aalisin mo lahat ng tira-tira. Tapos pla-planuhin mo kung ano iyong uunahin mo sabunin kahit pa may tamang pagkakasunod-sunod na baso, kubyertos, panandok, pinggan, mangkok, at pinaglutuan. Minsan kasi gusto ko na banatan agad iyong pinagprituhan ng longganisa na sobrang hirap hugasan. Tapos aabutin ako ng sobrang tagal doon tapos ang dami-dami pang natira. Ibig sabihin ang dami pang adventures uli. Tapos kung alam mo lang iyong saya ko kapag binabanlawan ko na sila. Para kang nagbabautismo ng mga disipilo mo sa kulto. Minsan may mamantika pa kahit binanlawan mo kaya sasabunin mo uli, tapos ilulublob uli sa tubig. Tapos iyong ligaya kapag nilalagay mo na sila sa nararapat nilang slot sa dish tray. Heaven!" kumikislap pa ata ang mata ni James habang nilalarawan ang kanyang galak sa paghuhugas ng pinggan na animo bagong panganak.
Mga limang segundo nakatunganga si Vanya sa sinabi ni James bago ito nagsalita,
"Ang wirdo mo talaga James noh. Kaya kita gusto kasama eh ang saya mo kausap pero may laman mga sinasabi mo." natigilan ng hininga si James nang marinig eto mula kay Vanya. Palaisipan nanaman kung isa na ba tong senyales at pagpaparamdam ni Vanya sa kaniya o kinukulayan lamang niya ang mga sinasabi ng babae at wala naman talagang timbang ito.
"Pero alam mo, hindi man ako sing-galing at sing-passionate mo maghugas ng plato. Sure ako pag' natikman niya iyong ginataang alimango ko. Magugunaw ang mundo nun' sa akin!" pagyayabang ni Vanya.
"Vanya di ko sure kung pagkain ba ang pinaguusapan natin rito o.." pabiro ni James
"Sira. Siyempre pagkain. Alam mo ba ang pinaka-relaxing na gawin sa mundo para sa akin?" tanong ni Vanya.
"Magluto?" pakunyaring hindi alam ni James.
"Hindi. Maghalukay ng alimango. Alam mo yung' aabutin ako ng isang oras o higit pa para galugarin iyong bawat pasilyo na may na may laman sa isang alimango? Minsan sinisipsip ko pa yung' matitigas na kalasag para lang malasahan iyong dagat-dagat na timpla eh. Iyong iba kasi hindi sanay, takot masugat. Pero kapag kabisado na ng bunganga mo yung' tamang pagdiin at pag-nguya, hindi ka masasaktan kahit ngatngatin mo yung matitigas na shell para matulak palabas iyong laman na nakatago. Para akong naghahanap ng kayamanan sa bawat kanto ng alimango tapos may mga eskinita pa na di mo akalaing may piraso pa ng laman. Tapos.. isasawsaw
mo pa sa bagoong na may kalamansi na mas malakas yung asim sa alat pero
nanonoot iyong umami na lasa. Iyon James! Iyon ang buong solusyon sa
pagkatao ko." nagagalak at buong-buong pagsasalarawan din ni Vanya.
Tumayo ang binata. Binuksan ang ref. Kinuha ang isang malaking mangkok sa loob tapos inilagay sa microwave.
"Ding" tunog ng microwave makalipass ang tatlong minuto. Kinuha ni James ang pinaluto netong ginataang alimango sa kanyang kaibigan at inilagay sa mesa sa gawi ni Vanya.
"O yan. Kain tayo." anyaya ni James kay Vanya.
Nadiskaril nanaman ang mukha ni Vanya. Labing-limang minuto natapos na si James kumain at lumipat siya sa tabing sofa para mag-TV. Si Vanya parang sinaniban ng espiritu at patuloy pa rin sa paghalukay ng alimango habang nakataas ang isang paa. Hindi na siya nagkakanin. Nagkukutkot na lamang siya ng laman sa mga alimango at pati mga tira-tira ni James ay nagawa niyang usisain. Isang oras at labing-tatlong minuto inabot si Vanya bago ito makuntento. Minsan sinasawsaw na niya ang shell at sinisipsip para maghalo ang dagat, binurong dagat at kalamansi. Napansin ni James na parang kape kung itrato ni Vanya ang ritwal na ito. Ang dami rin kasi nilang napag-usapan na patigil-tigil din si Vanya sa kanyang misyon. Tapos babalik sa alimango. Minsan sisilip sa selpon, tapos babalik uli sa alimango. Madalas tatanga lamang sa kawalan habang nginangatngat ang lahat ng bahagi na hindi pa niya nadaraanan maski na mga naisubo na niya.
Lahat ng ito magiliw na inoobserbahan ni James. Isa lang ang nag-iisang hudyat na tapos na si Vanya. Kapag tumayo na ito. At sa loob ng isang oras at labing-tatlong minuto na iyon hindi talaga siya tumayo hanggang sa natapos na talaga siya.
"Hindi ko alam paano ka pasasalamatan James pero.. diba mahilig ka maghugas ng plato?" malambing na nag-utos ang babae kay James.
Sa isip-isip ni James ay binibigyan siya ng pabor ni Vanya para mag-hugas ng plato.
Sinimulang mag-hugas ni James sa kusina ilang hakbang lamang ang layo sa hapag. Nag-earphones na ito at nag-shuffle ng kanta sa spotify. Tumogtog ang There's a Honey ng Pale Waves. Nakangiti lamang ito na parang timang habang nakatitig sa bintana sa labas. Para sa kaniya, wala na atang mas rerelaks pa sa paghuhugas ng plato ni Vanya, ang babaeng gusto niya.
Lunod ng gunita, hindi alintana na bigla na lamang katabi niya si Vanya. Nagulat ito at inalis ang kaliwang earphone.
"Sorry. Pahugas ng kamay" pasubali ni Vanya habang sumisingit sa binata.
Parang isang hindi maipaliwanag na flight response sa pagkakaabala sa ginagawang paghuhugas ng plato, bigla na lang kinuha ni James ang kamay ni Vanya. Nilagyan ng dishwashing liquid. Pinabula. Hinilod-hilod. Walang nilaktawan at kinalikot ang mga puwang sa pagitan ng daliri. Tapos binanlawan ng marahan na marahan. Tinitignan lamang siya ni Vanya na parang binanlian ng mainit na tubig sa pamumutla. Pinagpag ni James ang kamay sa lababo tapos marahang ipinunas sa laylayan ng t-shirt niya. Tapos tinitigan niya si Vanya.
"Gusto kita."
(larawan mula sa pelikulang Asako I & II, 2018)
0 comments:
Post a Comment