Babala: R-16. Ang lahat ng karakter, pangalan, ganap ay pawang kathang-isip ko lamang at ginamit para sa piksyonal na sulatin. Ano mang katulad sa mga aktwal na mga tao, nabubuhay man o patay ay pawang panaon lamang.
Tumutulo nang panaka-naka ang ulan mula sa sirang bubong nila Tonying diretso sa noo niya habang natutulog ito. Tugma sa isang sikat na
urban legend na tinatawag na
Chinese Water Torture kung saan itatali ang isang biktima sa silya, papatakan ng tubig nang walang partikular na oras at dami nang panaka-naka mula sa isang sisidlan sa itaas, at patungo sa noo. Nagdudulot raw ito ng malalang kahibangan dahil nagsisimulang makaramdam ng patak ng tubig ang mga pinaparusahan kahit wala pa naman. Walang pakundangan ginagawa ito hanggang sa umabot sa kabaliwan. Alam mo iyong pakiramdam na umaasa ka sa isang paparating, tapos maya-maya pa pala? Sino ba naman ang hindi mababaliw sa naunsyaming pag-asa.
Katulad ng mapaglarong imahinasyon ni Tonying na babalik pa sa kanya ang dating nobyang si Ramona, imahinasyon din lang na mula sa mga Tsino ang sikat na aparato na ito. Tulad ng imahinasyon ng gobyerno nila na kanila ang kalakhan ng mga isla at karagatan sa labas ng kanilang paghahari. Sanhi tuloy eto ng pagkabulabog sa maraming usaping-diplomatiko sa kalakhang timog-silangan Asya, kasama na ang Pilipinas.
Ukol muli sa
Chinese Water Torture, ang pinakamaagang nakasulat na tala na nagbabanggit ng ganitong uri ng tortyur ay makikita sa mga akda ni
Hippolytus de Marsiliis, isang italyano noong 1400s. At kung sa etymolohiya naman ang titignan, unang ginamit ito ng sikat na hudyong salamangkero na si
Harry Houdini sa kanyang mga palabas sa
Estados Unidos.
Lumakas ang ulan at dumalas ang
Cubao Water Torture dahil sa butas sa bubong. Naghahalo na ang naka-uulol na pagpatak-patak ng ulan sa noo ni Tonying, kanyang mga pangarap na nabigo, at siya'y dinidiliryo ng isang masalimuot na panaginip kaya't nagising siyang sumisigaw,
"I can make you so happy!"
Hanep. Kung di ako nagkakamali linya yan ni
Annicka Dolonius kay
Sid Lucero sa pelikulang
Apocalpyse Child, paboriting sineng Pilipino ni Tonying. Umupo siya sa kama at hinahawi ang malamig na tubig ulan mula sa noo. Nagdulot eto ng kaunting ginaw sa kanya kaya parang nalunod na lamang siya ng mga mala-along ala-ala.
Sinariwa ni Tonying ang kanyang panaginip. Minumulto nanaman siya ng kanyang dating nobyang si Ramona. Napapanahon ngayon Nobyembre uno. Kagabi ay dumalo siya ng konsert at halloween party para sa
Chinese Football, isang
Math Rock/Emo band mula tsina na pangalan pa lang ay halatang ang inspirasyon ay
American Football. Ito rin ang naging tagpo sa kanyang panaginip.
Kausap pa ni Tonying ang mga kasama niya sa konsert sa labas nang bigla na lamang tumambad ang isang babaeng naka
Ramona Flowers na damit
. Sa gulat niya nalaglag niya ang bote ng red horse at tumigil ang lahat habang nagslow-motion ang bote. Nabasag sa daan-daang maliliit na bulaklak ang bote pagdampi nito sa sahig na may nakabibinging tunog ng mga bubuyog na hindi nakikita. Umuwi pala mula sa bansa ni
Harry Houdini si Ramona para kitain ang binata. Pinukaw ang nakabibinging tunog nang nagsimulang magsalita ang dating irog ni Tonying,
"Hi Tonying. Long time no see ah. Look at us, we're very different people na."
"Agad-agad?" eto ang natanong ni Tonying sa sarili sa bati sa kanya ng dating nobya. Sobrang di maipinta ang pagka-gulantang niya dahil unang-una, sino ba naman ang bumabati ng ganoon. Pangalawa, ang sagot ay si Ramona dahil narinig na niya ang bating ito sa totoong buhay. Nag-iwan kasi nang isang
text message si Ramona, dito siya'y namamaalam na at binibigyan ng kasagutan ang ilan sa mga hiling ni Tonying na bigyang linaw niya sana. Nakipaghiwalay si Tonying para bigyan ng panahon si Ramona para pag-isipan ang relasyon nila at ang nararamdaman niya. Akalain mo limang taong pagsasama at sa isang text message na lang nais tuldukan ng babaeng tinuring si Tunying na matalik niyang kaibigan at laging nandodoon para damayan siya. Nang matangap ito ni Tonying hindi niya ito natanggap ni katiting. Tumawag siya agad upang humingi ng linaw, mga detalye, at marahil upang makipag-usap sa huling pagkakataon. Dito niya nalaman na sa apat na buwang nakalilipas, ganoon na pala ang pagtingin ng dating iniibig sa lahat na parang ang dami-dami nang nagbago. Na wala na pala siyang nararamdaman. At may iba na rin siya.
Kaya siguro binabangungot ng mapait na gunita si Tonying dahil noong nag-usap sila, nautal lang siya. Hindi niya agad natukoy nang maigi kung ano ba talaga dapat niyang maramdaman nung panahong nilalathala ni Ramona ang lahat ng kanya. Kahit kung tutuusin nagsusumigaw ang puso niya sa pagkagulat at pagkagalit ng mga panahong iyon, wala talaga siyang salitang naibigkas kundi mga
short-talk responses na nagpapanggap na ayos lang lahat ng naririnig niya. Dahil nakiusap lang din naman siyang kausapin siyang muli kaya natatakot siyang sabihin ang gusto niya.
Sa panaginip, matapos ng mahapding pagbati sumagot si Tonying suot-suot ang aktwal na costume niya kinagabihan na si
Juno,
"Teka, teka ako pa rin naman ito. Buntis nga lang..hehe. I'm still standing in the same place you left me standing."
Hindi ko alam kung inglesero lang ang bumbunan ni Tonying kahit gaano pa ka-tagalog ang ngalan niya o masyado lang maraming referens sa utak niya tulad netong liriko sa kantang
I am Easy to Find ng
The National.
"Hay naku, puro ka pa rin drama hanggang ngayon."
Ngumiti nang pabiro si Ramona sabay sinundan ng,
"Kaya tayo hindi nag-work eh.. kasi.. you are too much."
Muli siyang ngumiti subali't sa pagkakataong ito saliwa sa nauna. May talim at paninisi ang kanyang tono.
Biglang nag-dilim ang panaginip ni Tonying at gumuho ang mga pisikal na bagay at paligid. Maging ang mga kaibigan niya inanod ng daluyon. Unti-unting nabuo muli ang mundo pero sa pagkakataong eto sa parang
animated film na estilo at ang setting ay isang
gameshow. Biglang naging host si Ramona at magiliw na binati ang lahat,
"Magandang gabi Pilipinas! Welcome sa MGBBG KNB: Scott Pilgrim Edition. Para sa huling tanong na ang premyo ay makasama ako habang buhay, Tonying.. Magbabago KNB?"
Nakatayo lamang si Tonying. Pawis na pawis sa kaba. Pero mas pawis na pawis sa pagtataka bakit kailangan niya mag-bago. At kalaunan ay halos napilitang sumagot, "Mag.. mag.. magbabago na."
"There you go! Tonying, sa loob ng sampong segundo ako ay maglalakad palayo mula sa iyo. Sa land of greener pasture where dreams are made of. Kapag hindi mo nasagot ng tama hindi ako titigil. Okay? Para sa last question.. kung babalik ako sa iyo at tutuparin ang mga pangakong ibinenta natin sa isa't isa" tumigil ng bahagya tapos may pagdiing sinundan,
"Bakit? Kamay at paa sa kama."
Bigla na lamang nakatali si Tonying sa isang kama na patayo na parang sa mga BDSM porno. Pag-tingin niya sa katawan niya ay nakahubad na siya. Hindi maitago ang pagkahiya niya sa awdyens at sa katawang kinamumuhian niya na ngayon. Nagpatuloy si Ramona,
"Tonying uulitin ko, kung babalik ako sa iyo at tutuparin ang mga pangakong ibinenta natin sa isa't isa.. bakit? Ang pagpipilian ay.."
Lumitaw ang isang malaking orasan na nakasulat ang numerong 10.
"A, Kasi hindi ka na magiging too much?"
"B, Magpapayat ka na para sexually attractive ka na uli sa akin?"
"C. You will learn to keep it to yourself and shut the fuck up?"
"O, D,Tatangapin mong buo na na nafall-out ako sa iyo, at na-fall ako sa iba tatlong buwan matapos mo akong hiwalayan para pagisipan ko kung asan na ba ako sa kwento nating dalawa?"
"Timer starts.. now." sabay ngiting pang-showbiz ni Ramona.
May pag-aalalang bumuntong-hininga si Tonying nang biglang nagpalit ang 10 ng 9. Nagsimulang maglakad papunta sa Amerika si Ramona.
"Teka. Teka Ramona! A! A! Hindi na ako magiging too much! Babawasan ko damdamin ko teka. Aaralin ko itigil ang lubos na emosyonal kong damdamin. Patawarin mo ako kasi ganito ako mag-mahal!"
Hindi lumingon si Ramona. Nasa 8 na ang bilangan.
"B! Magpapayat na ako para pogi at sexy na ako uli sa iyo. Sorry ang dami kong problema sa buhay. Napabayaan ko sarili ko. Nag-overlean ako sayo parang yung pangamba ng babae sa Midsommar. Naging kampante ako pero hindi naman ako nagpabaya affectionate-wise diba? Patawad! I'll be more presentable and appealing. Please huwag ka umalis!"
Wala pa ring kibo. Patuloy lang ang paghakbang ni Ramona.
"Aaaaaah.. Tangina C! Alam ko hindi ako tumitigil hanggat hindi tayo nagkakaintindihan kasi gusto ko maging okay tayo eh! Pero.. pero I'll shut up. Tignan mo ako. I'm shutting up right now. Just stop please. Come back Jack!"
Nasa 6 na ang bilangan. Tumahimik pa ng isang segundo si Tonying pero hindi pa rin gumana.
"Okay alam ko na. D! Wala namang nag-bago. Ako pa rin eto. Mahal pa rin kita kahit may iba ka na. Alam ko sinabi mo hindi lang siya some guy you pass time with. You made that clear. Pero kung nandito ka sa akin ngayon may dahilan. At kung gusto mo ako bumalik andito ako. Kung mas nahanap mo sarili mo sa kaniya kaya ko tanggapin na minahal mo siya at nag-grow ka. Pero kaya pa rin kitang tanggapin kung babalik ka sa isang tibok ng puso lang. In a heartbeat Ramona!"
Apat na lang ang bilang sa orasan. Hindi pa rin kumibo si Ramona. Desperado na si Tonying.
"All of the above. Kaya ko gawin lahat yan!"
Wala pa ring pagbabago, patuloy pa rin sa paglalakad si Ramona.
"Call a friend! Call a friend!"
Tumigil si Ramona. Sa wakas. Sumagot ito nang may landi, "Wala ka ng lifelines Tonying. Also, your friends can't save you from this."
Umalingaw-ngaw nang paulit-ulit ang "your friends can't save you from this," sa buong pasilidad. Dalawang segundo.
"None of the above! I''ll take more pictures of you at hindi na ako magrereklamo kahit ginagawa mo lang akong photographer at hindi sinasama sa mga larawan!" walang kibo.
"Tangina. Tangina. Teka. Alam ko na! Tatangapin mo ako kasi.. kasi I can make you so happy!" sumisigaw na si Tonying at labis na lumuluha, malapit na kasi siya sa bunganga ng eroplano na may
dollar sign.
Nakapikit na si Tonying, hindi niya kayang tanggapin lahat. Pero tumigil muli si Ramona. Lumingon at nagsimulang lumapit pabalik kay Tonying. Nag-laho ang orasan. Nang nasa harap na siya ni Tonying lumuluha ito. Eto ang unang beses na nagpakita siya ng emosyon sa binata. Lumuluha naman sa tuwa si Tonying.
"Tonying" may malalim na sinsiridad sa salita ni Ramona di' tulad ng mala-robot niyang gawi kani-kanina. Niyakap niya nang mahigpit si Tonying. Nakalaya na ito mula sa pagkakatali at bumalik ang suot niyang damit ni
Juno. Bumulong si Tonying habang nakayakap ng mahigpit, "I can make you so happy Ramona."
Sumagot si Ramona, "I know. Pero paano ang kasiyahan mo?"
Naglaho ang babae. Lumiwag ang mundo. "I can make you so happy!!"
Dito na nagising si Tonying. Hindi lang pala iyong patak ng malamig na ulan ang pinpunasan niya. Humalo na rin iyong mainit na pawis at mga luha mula sa kanyang masamang panaginip.
"Paano ang kasiyahan mo" umaatungal sa isipin niya eto habang sinasalang sa mikroskopyo ang kasalukuyang buhay niya. "Masaya naman ako kagabi. Ata. Oo.. oo masaya ako. Masaya ako? Ang galing kaya nang Irrevocable, Sandy Good, Luncheon at Chinese Football!" agam-agam niya sa loob ng sarili.
Nabuo ang gabing iyon noong inaya siya ng kaibigan niyang si Jawbreaker mag-konsert ng Chinese Football dahil trip nilang dalawa makinig ng mga malulungkot na tugtugan ng mga
whiny boys and girls. Mula roon kung sino-sino na ang inaya ni Tonying bilang Halloween Party na rin ang ganap na pwede mag-costume. Una na rito ang magkasintahan na sina Chef Boy, matalik at pinakamatagal na kaibigan mula elementarya ni Tonying kasama ang kanyang kasintahang si Jorena. Sakto kasi five-year anniversary din nila ang petsang iyon. Nang-aasar pa nga si Tonying dahil limang taon din nga sila ni Ramona. Suot nila sina
Big Mom at
Kaidu sa
One Piece na baliw na baliw si Tonying. Sunod si Mae Queen, kaibigang malapit niya na hinatak para samahan siya sa
Juno costume at mag-damit bilang si
Paulie Bleeker, asawa ng karakter ni Tonying. Siyempre kasama rin si Waldo na
Where is Waldo ang damit, housemate at
bestfriend din niya na laging nakaalalay sa kaniya sa mga nakaraang buwan. Nandoon din si Unique na naging tropa din nila ni Jawbreaker sa
American Football, pero nag-pagupit na. Bakit? Hindi alam kung bakit.
Mabulaklak ang buong gabi. Unang-unang dumating si Unique. Siya pa nga itong nagsabi na mahuhuli siya at susunod na lang galing trabaho pero siya pa nauna sa kanilang lahat. Nauna pa siya kila Tonying, Jawbreaker at Waldo kasi tumambay muna sila sa bahay at sabay-sabay na pumunta. Kakaiba talaga ang pagka-poster boy ng
compliance at pagiging
considerate na tao ni Unique. Kahit isang oras silang huli sa takda, naabutan pa rin nila ang unang set.
Irrevocable ang nauna at sobrang natuwa si Jawbreaker kaya napahawak na lang sa magkabilang panga ang dalaga, halos mabiyak ang panga. Si Tonying hindi napigilang mapasigaw kay Jawbreaker ng,
"Ang saya-saya naman nila! Buong-buo yung
screamo," walang reklamong tumango si Jawbreaker.
Sina Chef Boy at Jorena may hinatid sa airport habang si Mae Queen naman kasama ang mga katrabaho sa opisina. Kaya naman, nakumpleto lamang sila mga bandang tatlong banda na lamang ang tutugtog. Si Tonying hinatak ni Jawbreaker para makigulo sa mosh pit ng Sandy Good at dahil maliit na babae yung isa kahit siya na ang binubunggo, siya pa may ganang mag-peace sign sa mga tao. Si Unique kung saan-saan lang lumilitaw. Sobrang init sa
Mow's kaya naman nang sumigaw si Tonying ng, "Ang lamig potangina" nagtawanan ang mga tao at sumagot ang ilan ng, "Sana all." Napailing si Tonying sa mga hindi naka-unawa ng tuya pero naki 'sana-all' din naman siya, parang timang. Dahil nga mainit, nasa
aircon naman nagpapahangin at nakikinig sa likuran ang natitira sa grupo.
Kung nakakabaliw ang
Chinese Water Torture, makukunan ka naman ng pinagdadalang tao mo kakatalon sa
Chinese Football, naisip ni Tonying habang inaalala ang kathang-isip niyang anak. Punong-puno siya ng enerhiya sa gabing iyon kahit kulang pa siya sa tulog. Kaya ganoon na lang ang inis niya nang nagbabasa siya sagli ng mensahe ni Chef Boy sa selpon pagpunta niya sa likod para uminom ng tubig. Di niya alintana habang okupado sa pagbabasa pumunta pala sa lipon ng mga manonood ang bokalista para makihalubilo at doon pa mismo sa harapan niya. Pati si Jawbreaker hindi napansin eh. Pabalik at patalikod na siya nang mapansin. Napailing na lang yung dalawa. Iaabot na sana ang mic sa kaniya eh.
Natapos ang konsert at nagsimulang mag-pamigay sina Tonying at Jawbreaker ng gawa nilang
mixtape tungkol sa 'walong yugto ng pagluluksa'. Inubos muna nila ang mga ibibigay sa kaibigan tapos nagsimula silang mamigay sa mga hindi kilalang mga tao. Maraming pasalamat ang kanilang inani sa mga kaibigan at mga kung sino-sino. Naisip ni Tonying na masaya talaga siya sa gabing iyon. Buo siyang tao. Walang ibang pinagbabasehan ng ikalulugod niya kundi ang sarili niya. Pero hindi maiwasang maramdaman na ang lahat ng iyon ay tapos na at heto siya ngayon sa kanyang kama kinaumagahan,
"Bakit ganun ang saya-saya ko kagabi pero ang lungkot-lungkot ko naman pagkagising." tumulo na lamang ang luha ni Tonying sa hindi niya maintindihang pakiramdam. Sa lingid ng kaniyang kwarto ang tanging nakikita niya ay ang kamay niyang basa pa ng tubig ulan at luha at ang apat na sulok na wari nagpapaalala sa kaniya na mag-isa siya. Tuluyang lalamunin na sana siya ng kalungkutan kung hindi pa niya narinig ang tunog ng hindi niya mawari kung halakhal ba o bungisngis ng isang taong umiiyak sa kabilang kwarto. Napagtanto ni Tonying na hindi nga pala siya nag-iisa sa bahay na ito. Naririyan ang kanyang mga kabahay na sina Waldo at kapatid niyang si Wonder Woman. Kumatok siya sa kabilang pinto at nagtanong,
"Hoy. Umiiyak ba kayo?"
Pagbukas ng pinto ni Waldo mali si Tonying, tumatawa na parang hibang sina Waldo at Wonder Woman na halos maiiyak na ang tunog.
"Anyari'?" usisa ni Tonying.
"Sorry. Hahaha. Tignan mo na lang," patuloy pa rin sa pag-tawa si Wonder Woman sabay sinde naman ni Waldo ng
flashlight at itinutok sa dakong ilalim ng isang lumang kabinet. Pumaibaba sa sahig si Tonying at dahan-dahang inaninag ang isang maitim na hugis. Nang nag-laon pa ay nakita niya ang animo buntot na may anim na pulgada ang haba. Nakadikit ang buntot sa isang katawang singlaki ng isang kuting, mabuhok at mamasa-masa na parang Elizabeth Oropesa na nagpauso ng
wet look noong 70s. Pagtingin niya pero sa ulo, dito kinilabutan si Tonying. Hindi eto isang kuting kundi,
"Dagang palengke! Hindi yan dagang-bahay pre sigurado, ang laki parang meow-meow" antala ni Waldo. Hindi alam ni Tonying kung kikilabutan siya o matatawa dahil may
genus pala ang mga daga base sa pinepeste nilang lugar.
"Pre gaano kaya kalaki yung sa mall noh?" tumawa na lamang si Tonying sa sarili at walang kwenta niyang biro. Muli niyang tinitigan ang daga. Kyut naman ang daga sa isip-isip niya. Pero hindi naman nila pwedeng hayaan na lang eto dahil dumudumi at nagkakalat ng sakit. Kasama na riyan ang mga gamit nila. At siyempre, kahit gaano pa ka wonder woman si Wonder Woman, ikamamatay niya na may malaking daga sa kwarto niya. Marahil ay may katiyakan tayong sabihing, "Hindi kaya ng powers niya ang Dagang Palengke." Kaya sa pagkakataong ito, mararamdaman nila Tonying at Waldo ang kanilang pagkalalake.
"Ano plano? Tusukin natin ng matalas?" tanong ni Tonying.
"Hala ang morbid. Hindi ba magkakalat siya ng mga laman-loob niya at kung ano-ano pang nakakadiri?" reklamo ni Wonder Woman.
"Ang nakikita ko lang na gagawin ay huliin siya ng kamay at ilagay sa timba. Kaso ang problema takot kaming dalawa ni Wonder Woman. Ikaw ba pre?" sagot ni Waldo.
"Ah okay lang naman. Tingin ko hindi ako takot, pakiramdam ko naman kaya," pagyayabang ni Tonying. Kinuha niya ang gloves at sinimulang dahang-dahang lumapit sa ilalim ng kabinet.
"Sige pre ako kasi kabado baka mangagat o kung ano man," wika ni Waldo.
"Mangagat." Matinde ang imahinasyon ni Tonying kaya kung ano-ano na lamang ang naisip niya sa sinabi ni Waldo nang malapit na siya sa katawan ng dagang palengke. Una na roon ang ideya na nangangagat nga pala ang daga, o hindi ba? Hindi na niya tiyak. Pangalawa, pangarap niya maging mutant tulad ng mga nasa kanluraning mga komiks, pero natawa lamang siya sa ideya na magiging siya si Boy Daga—ano kapangyarihan niya kakain ng keso eh
lactose intolerant siya. Pero sabi naman ni Wonder Woman bilang siya ang
padre de pamilya sa bahay at pangunahing taga-supil ng mga dapat supilin tulad ng mga dagang-bahay gamit ang mga mumunti niyang patibong, "Mas gusto talaga ng daga ang mani kesa sa keso. Mas madali sila na-aakit ng amoy kasi mas malakas at mas natural na pagkain nila iyon." Buti na lang hindi keso. Tsaka mahilig pa naman sa mani si Tonying kung magiging si Boy-Daga man siya. Pangatlo, iniisip niya kasi kaya niya humawak ng hamster na parang pareho lang din naman pero naisip rin niya na dagang palengke nga pala ito at kung saan-saang sulok ng Nepa Q-Mart at kaibuturan ng mga imburnal ng Cubao nagsusuot.
Lumingon si Tonying sa dalawa, "ano guys.." sabay ngumiti ng malaking malaki, kasing laki ng higanteng daga. "Hindi ko kaya. Ang kaderder ng balahibo niya," pabirong banat pero seryosong takot na bigla si Tonying. Si Waldo kasi.
Nagtawanan ang tatlo pero ramdam na ramdam ang desperasyon sa tono nila. Literal na wala silang ideya kung paano sosolusyunan ang malaking problema. Kung ano-anong mga ideya ang nailatag: lasunin pero hindi kasi agarang solusyon, batuhin ng mabigat pero maingay at masikip sa kwarto para makakuha ng magandang angulo, paluin ng isang malapad na pamalo pero walang may tapang gawin, pati baril naisip na, pero wala lang baril,
"Do you have a gun?" atungal ni Tonying kay Wonder Woman. Tumawa lamang ito.
"Ikulong natin sa isang sulok kung saan wala na siyang ibang daanan kundi ang nakatuwad na timba tapos i-angat natin!" hindi sigurado si Tonying kung si Waldo ba o Wonder Woman ang nag-salita pero may ilaw ng bumbilya ang lumiwanag sa mga isipan nila.
Gamit ang isang aluminum na stik, tinakot nila papunta sa direksyon ng kanilang patibong ang daga. Makulit ang higanteng bubwit kaya minsan hindi pa sa direksyon na nais nila siya pumupunta pero papasaan pa ba at mapupunta rin siya sa sulok kung saan hinanda nila ang natitirang alas. Nang maglaon, sa wakas nailagay na ang daga sa nais nilang pwesto. Iyong sulok bale may paanan ng isang mesa na pahaba na kahilera ng kanang pader. Nasa kanto ng dalawang pader bale ang daga. Sa kaliwang bahagi tinakpan ng mataas na kahon ang gewang sa mesa. Tapos sa kabila nag-aabang ang timba. Dahil si Tonying ang hindi pinaka-takot raw sa daga siya na raw bahala uli mag-kulong sa timba at pataubin ito.
Humingang malalim sabay kinuha ang stik. Nilapat ang paa sa nakapahalang na timba para may bigat at hindi eto maitulak lang basta-basta ng malaking daga na saksakan ng liksi. Mula sa dulo, dahan-dahan niyang isiniksik ang stik sa maliit na puwang kung nasaan ang daga at ang lalakbayin netong isang metro papunta sa timba. Bumilang,
"Isa.. dalawa.. tatlo!" sigaw ni Tonying.
"Pre pumasok, taob mo na!" sagot ni Waldo.
"Oo pre. Uhm ano.." katahimikan.
".. Hindi ko kaya" reklamo niya habang tumatawa ng malakas.
Sinilip ni Waldo ang timba, "Pre wala na pero dito eh!". Sinilip ang maliit na eskinita ng mesa at pader, wala rin ang daga roon. Kamot silang tatlo ng ulo at sabay-sabay nagsambit,
"Putangina! Asan na?"
Inilihis ang
flashlight sa parte ng kahon na pinantakip pagpasok ng daga sa gawi kung saan siya unang pumasok para sa patibong. Sa gilid ng kahon, unang napansin ni Tonying ang buntot. Unti-unting inangat ang direksyon ng ilaw at dahan-dahang tumambad sa kanilang tatlo ang mabigat at nakarimarimarim na katotohanan,
"Tumatalon siya! At mas mataas sa timba!!" sigaw ni Tonying. Kahit pala makulong nila sa timba ang higanteng daga ay tatalon lang ito sa kanila. Buti naduwag siyang itaob. Naubusan nanaman sila ng pag-asa. Kahit paluin pababa sa kahon patungo sa timba parang kayang mag
rebound lang ng daga. Naalala tuloy ni Tonying iyong sinabi ni Jawbreaker sa inuman pagkatapos ng konsert,
"Wala ba kayong kaibigan para dito?" sabay turo kay Tonying.
"Para saan?" tanong niya pabalik sa babae.
"Ewan ko. Date. Rebound?" suhestiyon ni Jawbreaker.
"Di kailangan." may pagkayamot na sagot ni Tonying.
Napaupo si Tonying sa inis sa sitwasyon at sa naalala, sumunod na rin iyong dalawa. Silang tatlo sa kama ni Wonder Woman iniisip ang susunod na hakbang. Mahirap nga naman maubusan ng gagawin pero kailangan na kailangan mo gawin. Minsan talaga sa buhay bibigyan ka ng uniberso ng parang MMORPG quest na tipong 'slay the giant rat boss'. Habang nasa kalagitnaan ng malalim na pag-aagam-agam, biglang tumunog ang selpon ni Tonying. May ligaw na mensahe mula sa di niya kilalang tao,
"Hello! Salamat dito" sabi ng isang babae. Tsinek ni Tonying ang profile; cute, doktor tapos drummer siya ng
Turncoats isang malupit na bandang may estilong
Shoegaze,
Lo-fi,
Post-Rock at
Indie at may kalakip na larawan ng mixtape na gawa nila Tonying at Jawbreaker. Isa pala sa nabigyan, marahil ni Jawbreaker. Nagalak ng husto si Tonying. Nakapag-usap pa sila ni Doktoraker nang may lalim at ibinahagi din niya ang
music video ng kanta nilang
People Watcher. Kalakhan ng usapan nila ay malamang tungkol sa musika, kung gaano nakakairita minsan ang mga
genre labels, mga pangarap at ang isang kanta sa mixtape na siyang dahilan raw nila kung bakit nila binuo ang banda. Habang lumaon naalala ni Tonying sa gabing iyon ang babaeng kausap niya ay
Juno din ang costume. Iyong kanya nga lang raw ay yung' pang-tamad na bersyon kasi mainit at wala siyang skirt. So bale T-shirt buddies na raw sila. Kasama rin niya ang kanyang irog na bokalista at gitarista nila. Galing pa silang Baguio City at bumyahe sila para makita ang Chinese Football nang balikan.
Sobrang taos sa puso ang pasasalamat na iyon na natanggap ni Tonying sa isang estranghero. Ramdam na ramdam niya ang pagkalugod ni Doktoraker sa gawa nila. Imbes na mainggit siya sa
'cool couple', sinaniban pa yata siya ng inspirasyon at bigla na lang nagbalagtasan,
"Shet. May naka-appreciate nang gawa naming mixtpe kagabi tapos minessage ako," wika ni Tonying sa dalawa.
"Pakiramdam ko talaga sa mga ganitong mga ganap ko mas naiintindihan iyong nararamdaman ko sa gitna ng kaguluhan at kalungkutan eh. Kapag may ginagawa akong kahit anong likha doon ko talaga nararamdaman na nalilibang akong mabuhay," dagdag niya.
"Dahil diyan napagtanto ko na kailangan talagang mamatay ng daga guys. Pasensya na PETA at mga animal rights activist alam ko takot lang naman siya gaya natin, pero kailangan nating gumawa ng mas mabigat sa konsensya," natapos ang kanyang talumpati sa isang desididong panawagang umaksyon.
Kumuha ng mas mabigat na pamalo si Tonying. Binulabog niya sa kahon kung saan tumalon kani-kanina ang kyut na halimaw. Nagpatuloy ang pagtakbo neto sa buong sulok ng kwarto. Hindi makahanap ng tyempo si Tonying na tamaan ng malinis ang higanteng daga. Sa pagtatakbo neto halatang-halata na mas naging litaw sa daga na tinutugis siya nila kaya naman nag-paiba-iba na siya ng lugar na pinupuntahan sa kwarto. Para lamang naglalaro ng habulan si Tonying at ang daga. Buti na lang sa isang kumpas ngswerte, biglang napadpad ang sa nausong lalagyan ng computer noong taong 2000s. Iyong sa babang palapag ng mesa ang CPU at AVR. Sa gitna ang monitor, keyboard, speaker at dagang-kompyuter. Tapos may pahabang lalagyan ng printer sa pinaka-itaas.
Dahan-dahang umakyat ang daga pataas ng pataas habang sinusundan siya ng ilaw ng flashlight. Nang makarating ito sa parte ng printer akala siguro niya ay nakatago na siya sa amin. Kalahati ng katawan niya hanggang ulo nakakapit sa bingit ng kahoy na pinapapatungan ng printer, habang nakalambitin ang kalahati ng katawan niya sa ere. Dito na papasok ang kahenyohan ni Waldo,
"Teka, kung tutuusin yung tabla pwede siyang maipit nun'." wika niya.
Nagtinginan ang tatlo at mukhang wala na ngang ibang paraan kundi gawin iyon. Hindi maikakaila na kinikilabutan silang tatlo sa gagawin. Sinimulang magdahan-dahan ni Waldo patungo sa mesa ng kompyuter. Si Tonying naging taga-ilaw na lamang, nasan na ang tapang at kayabangan niya kanina? Si Wonder Woman na magaling sa lahat ng aspeto ng buhay, kahinaan ang halimaw na ito kaya nagmamasid lamang. Dahan-dahan, ngunit mariing nilagyan ng pwersa ni Waldo ang mesa upang matiyak na maiipit ito. Unti-unting lumiyad ang daga at nagpupumiglas ang mga paa. Labis pang itinodo ni Waldo ang pagtulak. Dito makikita mong bumilis na nang husto ang pag-likot ng kawawang hayop. Alam mo yung paanan lang ang pinapakita sa mga pelikula kapag may pinapatay gamit ng unan. Ganoon ang imahe ng dagang nauubusan ng hangin. Dahil sa nakababahalang imahe naalala bigla ni Tonying kung bakit siya nainis nang bahagya sa sinabi ni Jawbreaker,
"Hindi mo naman yata kailangan tapalan ang bigong pag-ibig nang ibang tao para lang mas maunawaan ang nararamdaman mo maliban na lang kung napagtanto mong iyon ang makakatulong sa iyo" biglang ulayaw niya kaya tila natigilan sina Wonder Woman lalo na si Waldo sa binibigting daga.
"Kailangan mo talagang masira, upang maunawaan mo ang pag-hilom," pakiramdam ni Tonying siya si Gandhi sa mga panahong ito.
Nakaramdam si Tunying ng
moral ascendancy hindi laban kay Jawbreaker dahil nakikipagbiruan lang naman ang babaeng iyon pag walang masabi, kundi patungkol sa dati niyang nobyang si Ramona, "Mag-work man o hindi ang ano mang mayroon siya ngayon, hindi ko naman kailangan gayahin iyon at hindi ko na rin problema kung may pake ba siya sa akin o wala. Pero ako, alam ko hindi ako handa ibagsak na lamang lahat ng nararamdaman kong ito sa ibang tao. Pero para sa dagang ito handa akong ibagsak ang lahat" litanya ni Tonying habang aktong may kukunin mula sa toolbox.
Laking gulat ni Wonder Woman at ni Waldo na hawak-hawak na ni Tonying ang isang martilyo. Ibinaba muna niya ang printer at lumantad ang kalahating katawan hanggang sa ulo ng inipit na daga ni Waldo. Buhay pa ito at nakatingin sa kanilang tatlo.
Noong unang panahon, ang paraan para katayin ang mga
farm animals ay gamit ang isang malaking martilyo at isang biglaang hatawan sa ulo. Tawag doon
stunning. At eto ang kinokonsedarang
humane na paraan na pagpatay maging hanggang sa panahon ngayon pero siyempre mas moderno na ang teknik. Mas minimal raw kasi ang sakit para sa mga hayop.
Itinaas ni Tonying ang martilyo at sabay sabi, "Pikit na muna kayo."
"Isa.."
"Dalawa.. "
"Tatlo.."
Madilim ang sumunod na pangyayar pero natapos din sa wakas.
Hindi nag-usap nang matagal ang tatlo. Nagpakasasa na lamang sila sa masarap na
food delivery dahil undas at nakakatamad lumabas. Pagkatapos ay nagpakalunod sa kung ano mang
feel-good na palabas sa
Netflix.
Si Tonying ang tanging nasa isip ay ang kabalintunaan na napakasaya niyang tunay sa karanasan kinagabihan at kung paanong sa kabilang dako ay biglang gumuho ang nararamdaman niya sa isang iglap lang dahil sa isang mapait na ala-ala. Isang malaking palaisipan para sa kanya na parang nahanap niya rin ang kasagutan sa isang palasak na problema tulad ng dagang peste sa isang tahanan.
"Kailangan mong masira, upang maunawaan mo ang pag-hilom," bulong niya muli sa sarili.
Tipong pang-anim na kabanata sa isang Korean-series na pinapanood nilang tatlo nang maisipan bigla ni Wonder Woman na ipaalala ang madilim na pangyayari, "Tonying. Hindi ko akalaing nagawa natin iyon."
"Ha?" tanong ni Tonying. Nagmamaang-maangan dahil nais niya sanang ikubli sa sulok ng kanyang isipan ang memoryang di' na niya nais balikan.
"Iyong dagang palengke," patukoy ni Waldo.
Tumayo si Tonying nang may liksi at gulat. Nagulat nga ang dalawa. 'Galit ba si Tonying sa tanong natin?' naisip nila. Agad siyang tumungo sa kusina kung saan nakatago ang toolbox.
"Pre anong gagawin mo?" tanong ni Waldo.
Hindi siya kumibo. Binuksan niya ang toolbox at hinanap ang isang bagay na kanina lamang ay may walang pag-aalinlangan niyang ginamit.
"Tonying? Anong meron." kinakabahang tanong ni Wonder Woman.
Natagpuan ni Tonying ang martilyo. Dahan-dahan itong tumayo at tumungo sa direksyon ng dalawa.
"Susuyurin pa raw namin ang kalawakan," wika niya pagtayo.
"Potanginang mga paasa. Ayoko nang umasa sa hindi matukoy na patak ng ulan!" humakbang siya papalapit sa dalawa.
"Teka lang pre anong nangyayari. Mag hunos-dili ka!" sigaw ni Waldo habang pinoprotektahan sa likuran ang kapatid.
Tumigil si Tonying mga dalawang metro na lang ang layo sa dalawa. Ngumiti eto at nag-sabi, "mga gaga aayusin ko yung' bubong."
THE END