Sa lahat ng workout blogs na nabasa mo, eto na marahil ang hindi palasak.
Umiinom ako. Paborito ko yung pulang kabayo. Masarap din mag-yosi. Marlboro Lights. Oo taliwas to sa lathalaing gusto ko sanang ipablaban sa inyo. Pero gusto ko lang aminin na hindi ako perpekto. Pero gusto ko pa rin ng masigla at malakas na pangangatawan.
Sa panahon ngayon na nakikipagsabayan na rin ang mga kababaihan sa halos lahat ng bagay, ang katagang "objectifying" ay hindi na lamang napapaloob sa hanay ng mga kababaihan, ang mga lalake ay nagiging paroonan na rin ng maling gawing ito. Tapos na yoong mga araw na may isang malaking tiyan na nakakalbong tatay na saksakan ng kapal ng mukhang mambabae dahil si misis nananaba na. Normal lang daw na may chics, siya naman daw bumubuhay eh. Dapat nahuhusguhan rin siya ng kapareha niya. Lamang ganoon niya tratuhin yung pinakasalan niya.
Hindi ko nais ipagtanggol ang pag-oobjectify, mali siya, hindi dapat pinapatungan ng mali ang mali. Pero kung hihingiin mo sa kapareha mo yung kasing alindog ng katawan ni Sam Pinto, kahit man lang hindi ka sana sing taba ng baka at kapag nagsisiping kayo ay hindi ka agad hinihingal pagkalipas ng limang pasada. Kung si John Lloyd nga na pag-asa ng mga kalalakihang walang balak magpaganda ng katawan at idaan na lamang sa kabaitan, nagpakabatak na rin eh. At yun na nga ang ending. Sabi nga ng Giniling Festival, "Uso maputi, glutathione, glutathione! Uso ang sosyal, frapucinno, frapacinno!" Ano uso ngayon? Aba mag-gym.
Noong una tingin ko pang-sosyal ang gym. Isipin mo yung mga binabayaran sa membership, sa trainor, tapos yung mga sandamakmak na protein shake at supplements na iniinom ng mga nagpapalake ng katawan. Mejo pang burgis talaga tingin ko sa kanya. Pero dahil hindi ko talaga gusto yung taong nakikita ko sa salamin at hinihingal ako pagakyat ng second floor, naisip ko kailangan ko na talaga. Tapos may chics pang mangaasar sayo. E panu kasi tignan mo naman...
Sa matao at mataeng lugar na kung tawagin ay Krus na Ligas ay may gym malapit sa Dizon Tech--Taranate's Gym. Akalain mo twenty pesos lang. Pagpasok ko sa loob pang-masang pang masa. Yung mga equipments may kalawang na tapos amoy mandirigma pa. Pero at least may libreng tap water. Sabi ko sa sarili ko, "Kung si kuyang bungal nga na ang ganda ng katawan natitiis niya. Ako pa kayang baboy na sa sabsaban dapat nakatira."
Kapana-panabik ang mga sumunod na kabanata. Andami ko naging kaibigan. Mga tatay. Mga lolo. Mga drayber. Mga macho dancer. Mga call boy. Mga payatot. Mga batak. At mga tabachoy na tulad ko. Sa kanila na rin ako natuto. Ang dami nga nila alam eh. Lalo na si kuya "Ano lalaruin mo ngayon? Ako cheese (chest) ngayon eh." Para di siya maoffend sabi ko na lang, "Ah ako din cheese (chest). Paturo."
At sa dalawang buwan ng pakikibaka so mga kapwa ko mandirigma natuwa naman ako sa naabot ko. Hindi pa ko Channing, pero andami pinagbago ng katawan ko. Siyempre sinasabayan ko pa yan ng pagtakbo. Di mo kailangan ng magandang shoes, iPod, at belt na may kung ano-anong chechebureche. Kailangan mo lang ng udyok. Hindi galing sa mga taong nagpapababa sa tingin mo sa sarili mo, hindi galing sa mga kaibigang sasabihing may tiwala silang kaya mo, at lalong hindi galing sa nanay mo, ayaw ko nun magbuhat ng mabigat labidabs ka nun' noh. Dapat galing sa sarili mo.
Hindi ko makakalimutan yun linya ni Tatay four pack abs na nasa bandang kwarenta na, "Anak parang si sakuragi lang yan, if you control the rebound, you control the game. Kontrolin mo sarili mo!" Wala na ko pake sa kawalan ng koneksiyon sa rebound. Ang mahalaga control tsaka Sakuragi. Nakakatuwa talaga, isa mang malaking kabalintunaan na dito ko pa mahahanap ang solusyon sa mga problema kong pang sarili at kalusugan, isa siyang pagkatuklas na hindi ko pinagsisisihan.
O ikaw ipangkokorneto mo ba bente mo o ipang tatarnate's gym mo na lang? Meron din malapit sa simbahan "Golod's gym", mas sosy 30 eh, yung logo kasi hango sa Gold's. Bawal pa tsinelas, samin kasi may mga nakapaa pa ata. Baka mineral sa Gold's. Kahit ano diyan.
Ay nakikita niyo ba na parang bahay to. Oo bahay nga siya. Pag magbabayad ka sisigaw ka ng "Te, bayad po!" Parang Rapunzel, may sasalo ng tiniklop mong bente. Kyut no'?
0 comments:
Post a Comment