Oda sa Walang-Wala: Isang di naman talaga Film Review sa pelikulang Third World Romance
Binuksan ko ang computer at sinimulan ko nang isulat 'to pagkatapos na pagkatapos kong panoorin ang pelikula. Hindi pa ako nagbabasa. Ugali ko pa namang magbasa-basa sa mga pelikulang napapanood ko nang agaran. Sa una, wala akong aalamin, kahit pa tungkol saan o sisiliping trailer kung may papanoorin ako. Pero para akong batang nakawala sa hawla pag tapos na. Todo-basa. Kaya siguro madalang na ako magsulat kasi napapasarap ako sa pagbabasa. Naroon siguro ang malaking inferiority complex sa tuwing nagagalingan ako sa nababasa na para saan pa at susulat ako. Tatlong taon na ang huli kong sulat. Ironic, 'no? Kung kailan nagbabasa do'n ako walang maisulat. Pero ngayong gabi, susulat ako.
Maraming pagkakataon na sinaniban naman ako ng inspirasyong magsulat sa tatlong taong 'yon pero di ko rin naman nagawa o di ko na tinapos. Bakit? Ano'ng mayroon sa tatlong taon? COVID, ano pa ba? 'Yon naman talaga ang puno't dulo ng lahat. Pero 'yon nga ba? Parang sa pelikula lang. Iyon ang setting at timeline pero hindi naman talaga tungkol 'don.
Si Direk Dwein (Dwein Baltazar) lang ata ang bubuhay muli sa mga daliri ko. Di naman sa sinasabi kong henyo siya, pero para sa 'kin, oo, henyo siya. Di rin naman dahil walang ganap sa buhay ko nitong nakaraang tatlong taon, kung tutuusin ang dami ngang nangyari e. Pero bakit nga ba ako susulat?
Siguro hinding-hindi ko mauunawaan ang lente ng bawat tao. Pero alam ko, sa magkakaibang mga buhay na mayroon tayo, lahat tayo may pangarap. Anumang uri 'yan. Ano man ang moralidad niyan. Gaano man kalaki o kasimple. Lahat mayroon. Ako siguro pareho kami ng pangarap ni Alvin (Carlo Aquino). Napapatango na lang ako noong sinabi niyang, "Napakasimple lang (pangarap niya), pero sa totoo napakahirap makamit." Di eksakto niyang sinabi 'yan kasi di na gano'n kalakas ang memorya ko at di ako nag-notes kanina. Basta parang gano'n ang pakiramdam. Pero susulat ako hindi dahil sa pinaka-pangarap ko. Susulat ako para doon sa tinatawag kong "professional pangarap" ko. At kung may follow-up questions sa aking pinaka-pangarap na pangarap din ni Alvin, aba, manood na lang kayo.
Ano ba ang professional na pangarap ko. Hanep! Sige diretsuhin na natin, parang 'yong pelikula. Di na panahon para magpatumpik-tumpik ngayon (kahit nagpatumpik-tumpik ako four paragraphs ago). Di afford ng isang third world country tulad ng Pilipinas na maging "subtle" pa. "Subtle", nakakatawang salita. Parang 'yong pelikula. Kahit ano namang lovestory diyan na tungkol sa mga Pilipinong middle class o mahirap, third world romance 'yon e. Pero itong pelikula inako niya. Ito ang buong identidad niya. Na parang, "It's me, hoy, I'm Third World Romance, it's me."
So heto ang pangarap ko, isang Pilipinas na may malusog na Film/TV scene na di lang para sa mga intelektwal, akademiko, at mga niche fans. Sana para sa lahat. Ibig kong sabihin sa malusog, 'yong masustansiya, nourishing kumbaga, di lang "art house art house" na "art for art's sake", may laman at dulot, pero dapat may reach din, 'yong iaangat sana ang kamalayan ng lipunan. At di lang yong "very vague na Film/TV revolution eme". Gusto ko parang Korea, pero higit pa, tipong popondohan ng Pilipinas nang matindi ang paglikha na 'to. But wait, there's more! Baka pwede namang isama din ang DepEd at CHED para may legit na audience na agad tayo. Mga audience na kailangang palawakin ng mga pelikulang ito ang mga mundo nila upang mangarap rin sila. Baka ang ilan sa kanila gusto jumoin sa pangarap ko, di ba? At finally, baka pwede ding LGU involved. Isipin mo 'yong buong bansa may pagkakataong magkwento. Napakaraming talent ang natutulog sa kahirapan, promise! Paano mo ba papangarapin ang isang bagay na di mo alam?
Wow! Shet! Deep! Grand! Medyo oversimplification! Ang pretentious! Sabi ni Anxiety sa utak ko. Pero 'yon talaga e. 'Yon ang professional na pangarap ko. Kung maging bahagi man ako nito gusto kong hubugin kung ano ang mainstream, 'yong pinapanood ng madla. Kung tagapagmasid naman, labis labis pa rin ang kaluguran sa puso ko kung mangyari ito. Kasi at the end of the day, ang tunay ko namang pangarap gaya no'ng kay Alvin.
Kaya heto, sumusulat ako kasi gusto kong ipagsigawan sa mundo na may pelikula po na gusto ko makita nang napakaraming tao. Na baka sa very masterful shots ni Kara Moreno sa buhay at espasyo sa isang napakalaking sektor ng lipunan natin, doon pa tayo madalas iiwas ng tingin. Na baka sa sobrang pang-tenement na panunulat na may kaunting Dota lingo nina Dwein at Jeko (Jericho Aguado) na nararamdaman ko 'yong tuwa, 'yong galit, 'yong kultura, at higit sa lahat, 'yong paghihirap ng mga karakter. At baka sa pag-arte, lalong-lalo na kay Britney (Charlie Dizon) at sa chemistry niya kay Carlo Aquino. Ito paborito ko, na baka sa mga makukulit nilang rom-com tropes, o bilang subtitle translator, ang pinakamalapit ko nang salin ay "paandar," pero 'yong mga paandar na "pang-walang-wala version". Kung may "Ligawan sa Azotea" si Rizal, sina Alvin at Britney may "Harutan sa Bubong". Kung may "Pasilyo Tungo sa Altar ng Simbahan" si Sunkissed Lola, sina Alvin at Britney may "Pasilyo Tungo sa Altar ng Samgyupan". Ilan lang 'yan, 'yong mas kwela di ko na papasadahan.
Baka sa lahat ng nabanggit ko, may katulad ko na kikiligin din. Na mawawala at makaka-relate rin sa mundong pinakita nila, na mundong nariyan lang, nag-eexist. Na may makaramdam din ng pag-ibig sa mga mata nila, kasi naman, love is everywhere talaga. Pero higit sa lahat, may katulad ko rin na magagalit sa bawat piraso ng inhustisya at di makataong pang-aabuso (magbayad kayo ng OT) at siyempre mga "subtle" na pang-aabuso rin ("Tuy, timplahan mo nga ako ng kape"). Sino ba sa atin ang di nakaranas ng trabahong wala sa job description?
Kaya rin naman magpatawa ng pelikulang 'to gaya ng mga pelikula ni Vice e, pero sa Third World Romance kaya niyang itahi 'yong tawa kasi nakakatawa rin minsan 'yong bayan natin. 'Yong mga kalagayan natin, nakakatawa. Kaya mismong pananalita nating mga Pinoy para bang pinagtatawanan natin ang sarili. Lahat ng tawa ko sa pelikula, mga alaala kong pinagtatawanan ang sarili kong kahirapan e. Ang kaso, baka di raw pampamilya ang humor. Baka masyadong kanal o beki. Baka di nakakatuwa 'yong "subtle" na pagkain-kain ni Lady Morgana sa sofa.
Kaya rin magpakilig nito tulad ng kwento ni Olivia Lamasan sa Milan. Tungkol din 'yon sa pagkayod ni Claudine Barreto na raketera sa Italy. Pero sa Third World Romance may panawagan at habilin ito ng gagawin natin. Na kailangan sagot natin ang isa't isa. Na pag pare-pareho tayong tinatabla ng gagong amo, lahat dapat tayo ang lalaban. Lalo na kung nasa katuwiran naman tayo. Mas lalo na pag di ikaw ang apektado at iisang mundo tayo ng ginagalawan. Ang kaso nga lang si Charlie kung magmura ang talas, si Claudine di magmumura sa palabas 'yan, sa personal lang at saka minsan pag nadudulas. Problema raw kasi na hindi angkop sa "ideation" ng dalagang Pilipinang mahirap si Britney.
Huli na kaya? Ito 'yong mga panahong sana may clout na lang ako. Pucha sira-sira na yong code nitong blog ko, may image is missing error sa frontpage, grabe. Pag nag-re-brand ba ako tonight maihahabol ko pa kaya? Miyerkules na maya-maya, kadalasan pinapalitan ang pelikula sa panahong 'to. Kung si Cathy Garcia-Molina ba 'to, tapos Kathniel ang bida, tapos may endorsement galamay ni Mother Lily at lahat nang paandar ng industriya. Papatok kaya? Siguro.
Kung mas marami kasing manonood, mas marami ang naaabot. Dati kinikilig lang tapos matutuwa tayo sa dulo pag nalampasan na 'yong pangunahing conflict sa kuwento, na madalas 'yon ang tinatawag nating "reality" ek-ek ng palabas. Pero kinilig na ba tayo and at the same time nakaramdam na 'yong "reality", ay "reality" na maitatawid natin mula sa personal patungo sa kamalayan natin sa lipunang ginagalawan natin? Madalas kasi, 'yong "reality" na 'yon naiiwan sa personal na lang. Na para bang ang pag-ibig ay bakasyon lamang at uuwi rin tayong lahat sa realidad. Sa Third World Romance, akong manonood ang niroromansa ng reality. At kinikilig ako both literally at figuratively. Figuratively, kasi nakakilig na nasusulyapan ko ang lipunan at napapag-usapan ang mga isyung dapat pag-usapan. Literally, kasi kahit maasim ang timpla ng mundo nila, matamis pa rin 'yong pag-iibigan nila at nagdudulot ito ng asim kilig.
Madalas 'yong mga trip natin gusto natin i-gatekeep para tayo lang ang may alam. Masyado kasi tayong obsessed maging "cool". Pero minsan sa loob-loob mo gusto mo na lang sumikat 'yong gusto mong sumikat kasi di naman para sa 'yo lang 'yong gawa. Na para bang ikaw, 'yong taste mo ang sangkalan dapat ng lipunan. Medyo narcissistic a. Pero again, hindi nga ito para sa akin lang.
Paano nga ba babaguhin ang mundo gamit ang cinema, kung ang cinemang gagawin mo ang ayaw nila ipanood sa 'yo?
Isang palaisipan. Pero tiyak ko, kung mayroon mang paraan para gisingin ang lipunan. Isa siguro doon, dapat parang kusa nilang natagpuan 'to base sa mga paniniwala nila. Ibang-iba kapag nagpapaliwanag ka lang kumpara sa nakikita mo na mismo at ikaw mismo ang nakakarating sa sarili mong konklusyon.
Naalala ko tuloy ang kwentuhan namin ng tatay ko no'ng minsang nagising siya kasi di makatulog. Hirap raw siyang huminga sa kama kaya uupo siya sa tumba-tumba niya. Sa haba ng kwentuhan inabot kami ng alas-tres ng umaga. Matanda na at marami ng sakit ang tatay ko no'n. Kaya para bang marami rin siyang pinagsisisihan sa buhay. Kinukwento niya sa akin ang buhay niya bilang manggagawa nang higit sa dalawang dekada, Mind you, OFW sa Saudi pa. Na siya raw ang pasimuno ng overtime sa pabrika nila. At ako pinapaliwanag ko naman ang halaga ng tulad niya at bakit di dapat maliit ang tingin niya sa sarili. Siya lang naman ang Hari ng Overtime, di ba? Kasi sa lebel ng buhay na inalay niya, na nagkaroon na siya ng maraming sakit pagtanda, sino ba naman ang makakapagsabi na dapat 'yong may pinag-aralang doktor higit na higit na mas mainam ang buhay kaysa sa kaniya. Bakit, di ba importante din naman ang mga taga-gawa ng baterya sa lipunan? Kung di lang sana abusado ang employer niya at binigyan man lang siya ng disenteng retirement plan, healthcare plan, at sahod na di lang para mabuhay, kundi para "mabuhay talaga," edi siguro hindi niya inubos sa mga instant millionaire pyramid scheme ang mga perang naitabi niya nang magretiro.
Tatay ko 'yon, siyempre makikinig 'yon sa akin. E 'yong pagkukuda ko ba may paki ang maraming tao? Depende, gusto ka ba nila o hindi? May platform ka ba o wala? Ikaw ba si Kathryn o si Charlie? Ngayon, ikumpara mo sa isang pelikula. Isipin mo 'yong manonood dala-dala niyan ang mundong ginagalawan niya sa sinehan. Tapos, 'yong mundong 'yon may mga karanasan do'n, sa 'yo man o sa iba, na para bang naihahambing mo sa karanasan ng mga karakter sa pelikula. Di ba iba 'yon.? Ibang-iba. Sabi sa 'yo nakakatawang salita ang "subtle." Kasi sa paraang ang pelikula ang nagkukuwento at ang manonood naman ang bahalang mag-isip, 'yong tatlong tanong sa unahan, nalalaktawan mo na sila. 'Yong pelikula ang magbibigay ng katanungan, 'yong karakter ang magbibigay ng karanasan, 'yong manonood ang bahalang magisip. Subtle di ba?
Ibabalik ko 'yong tanong ko ukol kay Cathy Garcia-Molina, na Sampana na nga pala ngayon, Kathniel at Mother Lily. Sgiruo nga papatok. Pero tingin ko ba parehong obra ang kalalabasan? Hindi. Parang itlog at manok lang 'yan. Di natin alam sa'n ang simula. Sikat ba sa madla kasi 'yon ang bebenta sa kanila o pinagkakakitaan nila ang sikat sa madla? Gustuhin ko man ang mainstream success ng pelikula dala ng mga pangalang ito para one step closer ako sa pangarap ko. Mas gusto ko pa rin ang pelikula sa kaniyang truest at orihinal na form. Kasi 'yon ang mayroon tayo. 'Yon ang totoo. At ang tanging dasal ko ay ang mapanood ito ng mga tao.
Kaya Dwein, salamat sa oda mo sa mga walang-wala. Sa mga katulad ni Britney na umiiyak na pero kailang ubusin ang cup noodles. Sa Nanay niyang di makauwi-uwi ng bansa. Pinaiyak mo ko do'n sa eksena sa hapag at ng sabihin ni Gardo na "Okay na, areglado na." 'Yong lugod sa puso ko doon ang daming layers. Di ba? Buhay pa naman talaga kung tutuusin 'yong taos-pusong pagtutulungan, lalo na ng mahirap sa kapwa mahirap. Kung may pera lang ako, uubusin ko ang pera ko para ipanood ito sa lahat ng bagger at cashier sa Pilipinas. Sa lahat ng manggagawa na walang sawang inaabuso ng mga employer nila, pero natatakot lumaban. Kasi kung magparinig ang employer, akala mo ayuda nila sa mundo ang trabahong pinagkaloob raw nila samantalang yumayaman naman sila dito. Di naman nga talaga review 'to sa pelikula mo. Kung tutuusin manipestasyon 'to ng mga pangarap ko, ng aking mga Third World Dreams. Wala naman nagbabasa kaya marahil ang odang ito, ay para sa 'yo talaga at sa lahat ng naghirap sa pelikula n'yo. Salamat at napasulat niyo muli ako. Dito ko pa naman nararamdamang buhay na buhay ako.