Ngunit Wala Akong Litrato Noong Nasa Kolehiyo Ako ni Prof. Reuel Aguila
Katangi-tangi ang pyesang ito dahil una ko itong mabasa ay mula sa bibig niya mismo. Nilalathala pa ni sir iyong gawain nila noon na mahilig mag-sayaw sa mga bahay-bahay nila, tapos bigla niyang ipapasok iyong manyak niyang propesor. Ang pyesang ito ay ibinabahagi ko bilang hinagpis ko laban sa Martial Law, sa berdugong patnugot nito, at sa walang hiyang anak na itinuturing pang "golden age" ito ng Pilipinas. #neveragain
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhSs0mR6ralYvW4P6BvKt2YZkTg69vTBtn4jw0ZqH2xtg4udiOZjKFCek_Qgjs7p6QulrXkFICWSD3CEop2ghwNimAuQIUSkZC1q2evHQHBfoPJihjABxE1MDe1sV3HHvs2d_GO5Psuo2x-/s640/tae.jpg)
![](https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhSs0mR6ralYvW4P6BvKt2YZkTg69vTBtn4jw0ZqH2xtg4udiOZjKFCek_Qgjs7p6QulrXkFICWSD3CEop2ghwNimAuQIUSkZC1q2evHQHBfoPJihjABxE1MDe1sV3HHvs2d_GO5Psuo2x-/s640/tae.jpg)
Wala lang.
Todo-unat, basta iniangat ng isang estudyante ang kanyang
kamay, litaw-braces na ngumiti, at pinindot ang tangang cell phone na
nagsisilbi ring camera. Wala pang isang kurap, nakisiksik na ang ilan pang
kaklase, dikit-dikit ang mukha, nakabungisngis din at may impit pang tili.
At naglitratuhan sila nang naglitratuhan: funny face,
wacky pose, seductive, emo, serious, pa-cute … paulit-ulit; palibhasa’y
digital, walang film, halos di maubos ang kodakan at tawanan … walang pakialam
kung pinapanood sila ng ibang tao; sa tambayan sa school, sa mall, sa kalye, sa
gimikan, sa outing; at kahit saan man, kahit walang okasyon.
Basta, wala lang.
Ipo-post ang mga litrato sa blog site, nag-aanyaya na
silipin ng buong sandaigdigan, sa pamamagitan ng world wide web, ang mga
digital na tala ng kanilang kabataan, na kung tutusuin ay “walang lang”; ngunit
nanggaganyak na mag-iwan ang sinuman ng kahit anong comment na kadalasan ay:
ahahahaha, o ahihihihihi, o LOL, OMG, ü, : ) , : (, at iba pang
J smiley.
Tuwi-tuwina o maging ilang taon makatapos, marahil,
iki-click nila upang balikan ang kanilang buhay-kolehiyo; maaaring matatawa pa
rin sila o mangingiti o basta wala lang ding muli sa sangkatutak na litratong
nagdokumento ng kanilang murang kaisipan.
Napakaraming litrato.
Ngunit wala akong litrato noong nasa kolehiyo ako… dekada
70. Panahon iyong laganap na laganap ang pangmasang camera, ang Kodak
Instamatic.
Ito ‘yong parang maliit na kahon na sa isang pindot ay
bubukas ang likod ng camera para maisalpak ang naka-case na film. Hindi mo na
kailangang pahirapan ang sarili sa pag-spool ng film; na pag nagkamali ka sa
halos bulag na pag-sprocket ng negative ay wala kang makukuhang litrato.
Ito ‘yong camerang hindi mo na kailangang i-focus, i-adjust
/ bigyan ng kumbinasyon ang timpla ng aperture at speed; tandaang mas maliit
ang numero ng F-stop ay nangangahulugang mas malaki ang opening ng lens,
samantalang kabaliktaran ang para sa speed o bilis ng pagbukas-sara ng shutter.
Sa Kodak Instamatic, basta, tutok at shoot.
Ito ‘yong hindi mo na kailangang sukatin ang distansya ng
kukunan at kalkulahin ang lakas ng dating ng flash; na hindi nalilimutang ang
speed ng shutter ay constant na nakalagay sa pinaka-synch ng film. May
flashcube ito na may apat na bumbilya; na kusang umiikot pagkatapos mag-flash.
Mura: ang camera, ang film, ang development. Nagkaroon ng
pagkakataon ang sinuman na makapag-may-ari nito. Kaya, naidukumento ng
karaniwang mamamayan ang mga pangayayari, maliit man o malaki, na sa pananaw
niya’y mahahalaga para sa kanya.
Di tulad noong ang camera ay pangmayaman lamang; panahon ng
Single Lens Reflex, ng box camera na mabigat , na kung minsan ay kakailanganin
ng tripod para di mangawit ang leeg na pinagsasabitan ng camera; at ng
pag-iilaw o ng lumang de-apog na flash. Kailangang pag-ipunan, magbihis at
pumunta sa studio ang mga nais magkaroon ng litrato. Kung hindi man ay
arkilahin ang serbisyo ng mga nagbabahay-bahay na potograpo, o ‘yong
umiistambay sa mga simbahan at sa Luneta. At pagkatapos ay ikuk’wadro, at
isasabit sa salas, o ilalagay sa album.
Di tulad noong kakaunti pa ang camera at di pa ganoong
napeperpekto ang mekanismo, ang mga labis na mayayaman lamang ang nagkakaroon
ng kanilang ipinintang portrait at painting ng mga tanawin.
Sa pagdating ng murang instant camera, ang buong paglalakbay
sa buhay ng karaniwang Pinoy ay kaya niyang itala sa mga litrato, sa
pinakamadali at pinakamurang paraan. Naging palasak ang karanasan ng paglilitrato.
Naging palasak ang gamit ng Kodak instamatic. Naging palasak ang bagong
salitang Kodakan.
Ngunit wala akong litrato noong nasa kolehiyo ako, sa
panahon ng Kodakan.
Ngayon-ngayon ko lang nalaman ‘yan, halos 40 taon na ang nakalilipas.
Sa hindi ko maintindihang dahilan, biglaan, parang isang
kating dapat kong kamutin, dahil bakasyon, parang kailangan kong linisin ang
aking files: mga kinagawiang notebook na dala-dala kung saan man; mga pinasulat
ng kung sinong titser; mga clipping, reading at mga test paper; draft ng kung
anong tula, sanaysay, dula, maikling kuwento; mga souvenir gaya ng ticket ng
bus at kung anong sine o dula, tuyong bulaklak, ribbon, balat ng candy; mga
sulat; mga litrato.
‘Ayun akong ipinaghehele ng aking ama. ‘Ayun akong tatlong
taon at naliligo nang hubad. ‘Ayun ako sa unang bisekleta. ‘Ayun ako sa grade
one sa isang munting bayan sa Quezon, bihis na bihis at may kapareha para sa
isang folk dance. ‘Ayun ako sa nilipatang bahay sa Sampaloc, sa Cubao, sa
camping ng mga boy scout, sa birthday ng aking mga kapatid, sa Baguio kasama
ang pamilya, sa excursion sa Balara, sa kung anong lugar na hindi ko na halos
maalaala, kasama ng kung sinong marahan na ring naglalaho sa aking gunita.
‘Ayun ako sa graduation sa elementarya.
‘Ayin ako sa graduation sa high school.
At ‘ayun ako sa aking kasal.
Biglang lumundag ang panahon. Walang litrato noong nag-aaral
pa ako sa kolehiyo.
Maliban sa nag-iisang ID sa kolehiyo, kupas at gurlis-gurlis
na, wala na akong iba pang litrato sa pinakamakulay pa namang panahon sa aking
buhay.
WALA AKONG LITRATO SA PANAHONG IYON NG LIGALIG at
pagmamadali; walang litrato ngunit malinaw sa aking alaala.
Freshman ako nang salubungin, isang maagang umaga, ng mga
basa pang pulang pintura sa bawat pisara ng aming kolehiyo.
Mabuhay ang Rebolusyon. Digmaang Bayan. Marcos, Hitler,
Diktador, Tuta.
Walang masulatan ng aming guro dahil sa naglalakihang
slogan. Pagkadismaya ang aking naramdaman, ng aming naramdaman. Sobra na
ang mga aktibistang ito. Hindi porke’t araw ng eleks’yon ng
council ngayon ay hihirit pa sila ng kanilang mga slogan upang tiyaking
maaalaala sila at iboboto naming mga freshman.
Unang pagkakataong pinayagang makaboto ang mga freshman. At
ang nagsusumigaw na slogan ang binyag sa amin.
Hindi namin ibinoto ang mga aktibista. Hanga pa naman ako sa
kanila, sa kanilang tapang at talas ng isipan. Ngunit kung ang mga nanlalagkit
pang mga slogan sa pisara ang magiging batayan ng darating na lipunan, ayaw ko
na sa kanila.
Natalo ang mga aktibista sa eleksyong iyon.
Huli na nang mapag-alaman ko, namin, bilang freshman, na
kagagawan iyon ng kalaban.
Ang binyag na iyon ang siyang magsasabi sa aking higit na
maging mapanuri. Hindi lahat ng pula ay pula, manapa, ang mga pulang letra sa
pisara ay itim; isang black propaganda.
Ang binyag ay naging kumpil. Ikalawang semestre nang maging
guro ko ang matandang iyon. Malinaw sa aking alaala ang
kanyang larawan:
may band-aid ang gawi ng nguso niya nang unang humarap siya
sa klase, nagurlisan di umano sa paggamit ng labaha; namumuting buhok, basag na
boses, plantsadong pananamit, mayabang na pamumustura.
“Lahat ng babae, sa harapan umupo.” Iyon ang unang utos ng
gurong iyon. At panahon iyon ng mini-skirt. At kaming kalalakihan ay sa likod
pinaupo.
May gana pang nagsabi ang matandang guro na benepisyo niya
ang ganoong larawan ng mga dalagitang nakamaikling palda. Humalakhak pa at
tumalsik ang nanlalagkit na laway.
Ang ikalawang utos niya ay nangunyapit sa aming kaisipan:
“Walang aabsent kapag may rally. Singko, bagsak, ang sinumang aabsent.”
Galit siya sa mga aktibista. Galit siya sa ipinaglalaban ng
mga ito. Galit siya sa sinumang galit sa pamahalaan, sa kapitalismo, sa
panginoong may-lupa, sa pasismo. Galit siya sa pagkakapantay-pantay ng mga tao.
Para sa kanya, ang pagiging guro niya ay pagiging hari. At
ang utos niya ay hindi maaaring mabali.
Kaya nga’t isang araw ay matiyaga kaming naghintay sa
kanyang pagdating. May rally noon at ayaw naming ma-singko. Lampas na ang
dalawampung minutong palugit, maaari na kaming umalis. Ngunit hindi pa rin kami
umalis. Ayaw naming ma-singko.
Mag-iisang oras na nang may nagkalakas ng loob sa amin na
magyayang kung tatakas kaming lahat, wala nang magagawa ang gurong ito.
Ang sarap ng pakiramdamn ng pagtakas; sama-sama, parang
hindi ako natakot sa singko. Naisip kong hindi kayang i-singko ang buong klase.
Walang magagawa ang guro.
Wala na ring tao sa gusali namin. Parang nagbakasyon ang
lahat ng tao. Kami lang ang naglalakad sa dating maingay na lobby ng gusali.
Sa labas ng gusali, wala pa ring tao. Wala ring sasakyan.
Isang larawan iyon ng hating-gabing walang tao; ngunit maliwanag dahil
magtatanghali pa lamang.
Nagpasya kaming maglakad patungo sa bukana ng aming
unibersidad. May ingay sa gawi roon habang papalapit kami. May ilang tao rin
kaming nakikita habang papalapit kami.
At paparami nang paparami ang aming nakikitang mga tao.
Palakas nang palakas ang aming naririnig. Larawan ng isang barikada.
Binarahan ng mga aktibista, isang human barricade, ang
University Avenue. Nagpasya kaming manood muna. Hindi rin naman kami
makakalampas agad sa barikadang iyon. Pumuwesto kami sa parang tulay sa
ikalawang palapag ng Adminstration Building. Tanaw na tanaw namin ang
pagbabarikada.
‘Ayun, isang kotse ang nagtangkang makapasok. Binarahan ng
mga aktibista. Nag-u-turn ang kotse. ‘Ayun, isa namang jeep, isang bus, isang
kotse, jeep, bus, kotse. Isa-isa, nag-aatrasan, nagb’weltahan; walang makapasok
ng unibersidad. Nagpalakpakan kami.
‘Ayun, isang kotseng itim, lumang modelo, parang tangke.
Tumigil. Bumaba ang nagmamaneho. Kamukha ng aming gurong matanda na mahilig sa
babaeng nakamini-skirt. Nagtawanan kaming magkakaklase.
Napaatras din ang kotseng iyon.
Ngunit ilang minuto lang ay nagbalik ang lumang kotseng itim
na may nagmamanehong kamukha ng guro naming may band-aid sa nguso.
Ngunit ngayon, ang nagmamaneho ay nakahelmet na. May dalang
baril. Walang kaabog-bog, itinutok ang mahabang baril sa mga nagbabarikada.
Lumakas ang pagsigaw ng mga slogan.
Ngunit mas malakas ang putok ng baril.
Larawan iyong sunod-sunod. Parang slow motion sa pelikula:
ang pagbuga ng usok mula sa baril; ang parang kinoryograpong pagpulas ng mga
aktibista; ang pagkatangi sa isang bumulagta, parang close-up sa aking isipan;
ang pagtakas ng bumaril sakay sa mobile ng mga pulis; ang pagkaiwan sa
lumang kotse; ang pagsugod ng ambulansya; ang pagsunog sa kotse; ang pagdagsa
ng mga aktibista sa Administration Building; ang pagbatok sa presidente
ng aming unibersidad; ang pagbubo ng pinturang pula sa Oblation, simbolo ng
pagdanak ng dugo.
Sa kinalaunan ay napag-alaman naming ang guro nga namin ang
namaril. Malinaw ang mga larawang iyong hindi naitala ng camera.
SUNOD-SUNOD ANG MGA LARAWAN SA AKING ISIPAN. Initsa sa bawat
palapag ng Arts and Sciences Building ang mga silya upang maitayo ang Diliman
Commune.
Napakaraming larawan: ang mga kwitis na tumutugis sa
nagsu-suveilance na helicopter; ang mga kaklase at kaeskwelang ginawang dormitoryo
na ang mga silid-aralan; ang gabing paglusob ng mga pulis sa dormitoryo ng mga
babae; ang mga teach-in; ang DZUP na pinanghawakan ng mga aktibista at
naging pinakasikat na estasyong pangradyo sa mga panahong iyon; ang mga pillbox
at molotov na ginagawa sa Chemistry Pavilion; ang mga pag-awit ng mga
rebolusyonaryong himig; marami pa, marami pa.
Ngunit hindi pa ako nakikisangkot noon. Isa lamang akong
sabit sa estribo, isang kamanlalakbay, wika nga.
Sabay-sabay ang paglusob ng mga pulis at militar sa
harapan at likuran ng UP. Parang isang album ang mga larawan sa aking isipan ng
sunod-sunod na putok ng baril; ang mga pangungulata; ang desperadong pag-itsa
ng mga pillbox at molotov; ang pagkasukol ng mga aktibista; ang pagkabuwag ng
barikada.
NANG MAGSARA ANG ALBUM NG BARIKADA, nagbukas ang marami pa.
Nasa library ako noon sa first pavilion nang isang aktibista ang nagsabing
sinuspinde na ang Writ of Habeas Corpus. Hindi ko batid ang kabuuan ng
implikasyon ng suspensyong ito ngunit sapat na ang balita para lumabas ako ng
library at tumungo sa nag-uumpukan nang estudyante sa lobby.
Nandoon ang halos buong eskwelahan, nagtatanong: paano na?
Isang martsa patungong Maryknoll ang naging sagot. Nakimartsa na rin ako.
Kalabisan na ito, wika ko sa sarili ko. Binomba na ang Plaza
Miranda, tapos ngayon ay sinuspinde pa ang Writ?
Sa unang pagkakataon ay nagtaas na rin ako ng aking kamao.
Ngunit walang litrato nito.
At ‘ayun na akong kasali na sa iba pang martsa, bilang
pagtutol sa karahasang ito ng estado. Parang sawang malaki at mabalasik ang mga
martsa; patungong Plaza Miranda, Embassy, Mendiola.
Sunod-sunod na rin ang mga pangayayari. Naging organisado na
ako; isa nang ganap na aktibista.
Sana’y may mga larawan ng pagpapahaba ko ng buhok, ang
sandalyas, ang army jacket na may maraming bulsa upang paglamnan ng mga
manifesto at pillbox.
Sana’y may larawan ang mabilisang pagpipinta o pagdidikit sa
pader ng mga larawan at slogan ng panahong iyon, ang pagsusunog ng mga effigy,
ang dagsa ng laksa ng mga estudyante, ang galit sa aming mga mukha. May nakita
naman akong mga larawan, sa dyaryo, ngunit wala ako kahit pa dinaluhan ko ang
lahat ng ito.
‘Ayun ako, malinaw sa aking gunita, sa harap ng riot police;
mukha sa mukha. ‘Ayun ako, umiilag sa hataw ng truncheon. ‘Ayun ang pagtutok,
pagpaputok ng mga baril ng pulis. ‘Ayun ang aming pagpulas. ‘Ayun ang ganti ng
pillbox. ‘Ayun akong nasubsob. Ngunit walang litrato.
Walang litrato ang mga magdamagan at sunod-sunod na pulong,
ang mga paglubog sa batayang masa, ang mga pag-oorganisa, ang piket line at
welga, ang puyatan sa paglikha ng mga manifesto at iba pang propaganda, ang mga
punahan, ang walang katapusang pagsusuri at pag-aaral. Walang litrato, ngunit
nangyari ang lahat ng ito.
TAPOS, BIGLANG-BIGLA, MARTIAL LAW.
Kaalinsabay ng pagtindi ng represyon sa mga mamamayan ay ang
pagtindi rin ng aking pakikisangkot.
Inorganisa namin ang mga silent march, na sa kinalaunan ay
nailabas namin mula UP tungko sa mga lansangan. Paingay nang paingay, parami
nang parami. Walang tigil ang mga lihim na pagpupulong, lihim na
pagpaplano, lihim na pagkilos, lihim na pagtulong sa kapwa.
Lahat ay palihim sa mga panahong iyon dahil ganoong kabagsik
ang Batas Militar.
Biglang-bigla ay ang mga larawan ng tortyur at salvaging.
Mga kaibiga’t kasama ko silang kinoryente sa bayag, pinahiga sa bloke ng yelo,
nilagyan ng hose sa ilong, binugbog, plinantsa ang talampakan, nilaslas ang
suso, nilamog sa bugbog, ni-rape, pinaslang.
Ngunit lahat ‘yan ay walang litrato. Lihim din kung bumanat
ang kaaway. Ngunit buhay na larawan ang mga kaibigang nakaligtas.
Ang mga sugat at pasa ay naghihilom ngunit ang mga sugat sa
alaala ay kailanman nananatiling sariwa.
‘Ayun akong piniringan, pinosasan at isinakay sa isang
lumang kotse, dinala sa safehouse. ‘Ayun ang kanilang kamao sa dibdib ko; ang
kanilang palad sa mukha ko; ang kanilang paa sa alulod ko. ‘Ayun akong
bumulagta kasama ng silyang kinaposasan ko. Dinig ko ang daing sa kabilang
k’warto, kasamahan ko ring pinapahirapan. Pati tenga ko’y naging camera ng
lihim na eksenang iyon. Nang pakawalan ako sa safehouse na iyon, nagtungo ako
sa kampo militar upang gaya ng sinabi nila ay kailangang mag-report. Walang
record ang pagkakahuli ko, ‘yon ang giit ng militar. Para sa kanila, hindi ako
nahuli, hindi ako pinahirapan, hindi nila ako kilala.
Ay, kung may litrato lamang na magsisilbing ebidensya ng
kahayupan nilang ginawa sa amin. Ni hindi namin alam kung makakalabas pa kaming
buhay sa safehouse na iyon.
Ay, kung maipoproseso lamang ang larawang nakaimprenta sa
aming isipan, ipapaskil ko rin ang lahat ng larawan kahit saan man para gumitaw
ang katotohanan.
HINDI NASASAGKAAN ang paglilingkod sa bayan. Lalong tumindi
ang aking pakikisangkot makatapos ng tortyur na iyon.
‘Ayun ako sa mga komunidad na nag-oorganisa, sa mga
manggagawa na nagtuturo, sa mga sonang gerilya upang mag-exposure.
Kakaiba ang ngiti ng isang kasama. Sa gitna ng pagod at
pagtugis, ang ngiti niya’y singdalisay ng umagang nagbubukang-liwayway, laging
may tinatanaw na pag-asa ng pananagumpay.Kakaiba ang ngiti ng organisadong
masa. Sa gitna ng gutom at karalitaan, ang ngiti niya’y sing-init ng rubdob ng
paglaya. Kakaiba ang simpleng hapunang pinagsamahan, ang mga balita ng
paglawak, ang tagumpay sa larangan ng pagkilos.
Lahat ng mga ito ay nakalarawan pa sa aking isipan, at puso.
Ngunit walang litrato.
Nasa kolehiyo ako noon nang kunan ko ang lahat ng mga
larawang ito sa pamamagitan ng aking alaala.
Ngunit ang panahon at gawain namin ang nagtakda na dapat ay
wala kaming iiwang bakas sa aming pinagdaanan. Pagkapahamak o kamatayan ang
mag-iwan ng bakas; litrato pa kaya.
Kayat iba-iba ang aming mga pangalan. Iba-iba ang aming
gayak. Iba-iba ang aming ruta. Iba-iba ang aming personalidad.
Para kaming mga hangin, laging naririyan; hindi nakikita
ngunit nadarama.
Napakaraming gawain ngunit walang litratong magsisilbing
panungkit sa mga alaala.
Tanging ang alaala mismo ang siyang maninindigan sa kanyang
sarili, bilang mga litratong hindi kinunan, at hindi rin kukupas kailan man.
Wala akong litrato noong nasa kolehiyo ako.
Ngunit higit na mayaman ang mga larawan sa isipan; at
patuloy pa rin ako sa pagkuha ng mga ganitong litrato.